HANDANG-HANDA ang nasa 42 pampublikong paaralan sa Malabon City matapos pangunahan ni Mayor Jeannie Sandoval at Schools Division Office (SDO) ang Brigada Eskuwela para sa School Year 2025-2026 para sa pasukan ngayong Lunes, 16 Hunyo.
Ayon kay Mayor Sandoval, nakiisa rin sa Brigada Eskuwela ang mga guro at mga magulang na nagtulong-tulong para maging maayos ang mga silid-aralan ng mga mag-aaral.
“Ready na po ang ating mga paaralan para i-welcome ang mga mag-aaral sa darating na pasukan. Ito po ay dahil sa pagtutulungan nating mga Malabueño – mga magulang, volunteers, at empleyado ng pamahalaang lungsod upang linisin ang bawat silid at masigurong maayos at maaliwalas para sa mga kabataan,” ayon sa alkalde.
Unang sinimulan ang Brigada Eskuwela sa Potrero Elementary School hanggang Epifanio Delos Santos Elementary School at inikot ng Mayora ang lahat ng paaralan sa Malabon upang maseguro na maayos at naisasagawa ang Brigada Eskuwela. (VICK AQUINO)