KASUNOD ng pagsasara ng 19th Congress, ginamit ni Senator Alan Peter Cayetano ang June 11 episode ng “CIA 365 with Kuya Alan” para pagnilayan ang kahalagahan ng “endings” hindi lang sa politika, kundi sa iba’t ibang aspekto ng buhay.
Sa kanyang livestream mula mismo sa likod ng session hall ng Senado, ibinahagi ni Cayetano na “the end” ang napili niyang tema para sa episode matapos marinig ang sunod-sunod na “tagos sa pusong” talumpati ng mga outgoing na senador.
“Usually, very happy or excited tayo, rejoicing sa beginning. But what about the ending?” tanong niya.
Ipinaalala niya sa mga manonood na mula pa sa simula, alam na ng Diyos ang magiging wakas ng bawat isa, at may layunin Siya sa ating buhay.
“Napaka-importante na as people, we see not only the beginning but we try to see the ending. Ang ending natin, either nagawa natin ‘yung ipinagagawa Niya or hindi,” aniya.
Hinikayat din niya ang mga kabataan, lalo ang mga magsisimula palang magkolehiyo, na laging ikonsidera ang pangmatagalang bunga ng kanilang mga pipiliing landas.
“Isipin n’yo rin kung anong buhay n’yo sa trabaho na magiging bunga noong course na ‘yon,” pahayag ng senador.
“If there’s a start, there’s an ending,” dagdag niya.
Sa pagtatapos ng episode, nag-iwan si Cayetano ng mensahe ng pag-asa. Aniya, hindi lahat ng pagtatapos ay wakas. Madalas, simula ito ng panibagong kabanata.
“Maganda rin pong isipin ‘yon kasi, when you end one chapter, huwag kang malulungkot, may susunod pa na chapter, especially kung hindi mo fully accomplish ‘yung tingin mong dapat mong gawin,” sabi niya.
Makisali sa diskusyon sa ‘CIA 365 with Kuya Alan’ gabi-gabi sa official Facebook page ni Cayetano. (NIÑO ACLAN)