“HINDI kami sunod-sunuran sa senado, hindi katulad ninyong mga kongresista na sunod-sunoran kay House Speaker Martin Romualdez.”
Ito ang tahasang sinabi ni Senate President Francis “Chiz” Escudero sa patuloy na pagbibigay ng komento ng mga mambabatas sa ginagawang hakbangin o desisyon ng senado ukol sa nakabinbing impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Escudero, hindi trabaho ng Senado ang maging sunod-sunuran sa gusto ng isang speaker lalo sa usapin ng impeachment trial.
“Ang mga kongresista’y tila nasasanay na diktahan ang senado kaugnay sa gusto nilang mangyari sa impeachment, puwes kung trabaho ng ilang mambabatas na maging sunod-sunuran kay Speaker Romualdez na gusto klaro ang impeachment na ito, hindi namin trabaho ‘yan sa senado at hindi ko rin trabaho ‘yan bilang pangulo ng Senado,” giit ni Escudero.
Binigyang-diin ni Escudero na gagampanan ng mga senador ang ayon sa kanilang paniniwala na tamang proseso at naaayon sa batas.
Ipinaalala ni Escudero sa mga mambabatas na noong inupuan nila nang mahigit dalawang buwan ang impeachment complaint laban kay Duterte ay wala silang narinig sa senado na kahit anong bagay o komento.
Ipinagtataka ni Escudero, sa kabila ng nakalagay sa rules ng mababang kapulungan ng kongreso na ibibigay ng Secretary General ‘yung impeachment complaint sa speaker ay hindi nila ginawa iyon sa mahigit dalawang buwan at muli wala silang narinig sa senado lalo na sa kanya.
Binigyang-linaw ni Escudero na iginalang ng senado ang pasya ng mababang kapulungan ng kongreso lalo na ang kanilang proseso at pagdedesisyon.
Ganoon pa man ay inirerespeto pa rin ni Escudero ang mga mambabatas. (NIÑO ACLAN)