SINALAKAY ng Land Transportation Office (LTO), kasama ang mga pulis at mga tauhan ng Davao local government unit (LGU) ang tatlong auto surplus shop na nag-i-import at gumagawa ng right-hand driver motor vehicles.
Sinabi ni LTO Chief, Assistant Secretary, Atty. Vigor D. Mendoza II, kanilang ni-raid ang JP Malik Trucks and Equipment Corp., Mahar Motor Surplus Corp., at Umar Japan OPC noong 21 Mayo nang makompima sa intelligence reports ang ilegal na pag-i-import at pag-assemble ng mga right-hand drive vehicles sa bansa.
“This is part of our sustained operations since the raid we conducted in Quezon City last month against these kinds of illegal activities. We are conducting an investigation and charges will be filed,” pahayag ni Mendoza.
Batay sa imbestigasyon, ang tatlong motor vehicle surplus shop na pawang nakabase sa Davao City ay walang LTO accreditation bilang importer, rebuilder, at dealer ng right-hand drive motor vehicles.
Kinompirma rin sa intelligence report na ang mga empleyado ng tatlong auto surplus ay nagsasagawa ng backyard rebuilding right-hand drive motor vehicles.
Sa raid, na-impound ng mga tauhan ng LTO, sa tulong ng Philippine National Police (PNP) territorial forces, Highway Patrol Group, at Davao City Business Bureau inspectors, ang 42 right-hand drive vehicles sa storage area ng Umar Japan OPC, isa pang right-hand drive motor vehicle mula sa Mahar Motor Surplus Corp, at dalawang right-hand drive trucks mula sa JP Malik Trucks and Equipment Corp.
Inirekomenda na rin ni LTO Region 11 director Ernesto Raphael Robillo, sa Davao City LGU ang pagpataw ng administrative sanctions laban sa tatlong motor vehicle surplus shops. (ALMAR DANGUILAN)