BUO ang paniniwala ni dating Senador at ML Partylist congressman-elect Leila De Lima na base sa kanilang mga ebidensiya ay guilty at mahahatulan si Vice President Sara Duterte ukol sa isinampa nilang impeachment complaint laban dito.
Ayon kay De Lima sa kanyang pagdalo sa media forum na The Agenda, sa Greenhills, San Juan City, malakas ang ebedensiya at testimonya ng mga testigong kanilang ihaharap upang makuha ang conviction laban kay Duterte.
Magugunitang sa pitong article of impeachment, isa rito ay si De Lima ang nasa likod o naghain sa kongreso.
Bukod diyan, matapos siyang manalo sa nakalipas na halalan ay agad siyang tinawagan ni House Speaker Martin Romualdez upang maging bahagi ng prosecution team na haharap sa impeachment court para ipagtanggol ang kanilang kasong isinampa laban kay Duterte.
Inamin ni De Lima, matapos magdesisyon muli ang liderato ng senado na iurong ang pagbasa ng article at ang pag-convene ng impeachment court ay agad na magpupulong ang mga nagsampa ng impeachment complaint para sa susunod na hakbang.
Kabilang dito ang pagsasampa ng petisyon sa Korte Suprema upang kuwestiyonin ang naging aksiyon ng senado lalo na’t noong una pa man ay hindi ito inaksiyonan sa kabila ng salitang ‘forthwith’ na isinasaad sa Konstitusyon.
Hindi naitago ni De Lima ang pagkadesmaya sa naging desisyon ng senado ukol sa impeachment complaint laban kay Duterte.
Paglilinaw ni De Lima, nauunawaan niyang trabaho ng senado ang gumawa ng mga batas ngunit may tungkulin din sa ilalim ng Saligang Batas na mag-convene bilang impeachment court kapag mayroong impeachment complaint. (NIÑO ACLAN)