ni Gerry Baldo
IPRINOKLAMA ng Commission on Elections (Comelec) si Quezon City 5th District Rep. Patrick Michael “PM” Vargas matapos manaigvat magwagi sa nakaraang midtern elections nitong Lunes, 12 Mayo laban sa katunggaling si Rose Nono Lin.
Nakakuha ng 102,648 boto si Vargas habang ang katungali niyang si Lin ay nakakuha ng 91,622 boto.
Bukod kay Nono Lin, lumaban din sina (Ate) Rose De Guzman, may botong 6,020; Fidela Mallari, 3,040 boto; at Angel Rustia, Jr., 1,814 boto.
Nagpasalamat si Vargas sa mga taga-Novaliches sa suportang ibinigay sa kanya.
Sa kanyang panalo, tinuldukan ni Vargas ang ‘smear campaign tactics’ na ginamit ng kanyang mga katunggali at ipinamalas na hindi nagkaroon ng epekto sa mga botante.
“Hindi umubra ang fake news campaign. Sa huli, ang katotohanan at serbisyo ang nanaig,” walang gatol na pahayag ni Vargas.
Ang kanyang kapatid na si dating congressman Alfred Vargas, ay nagwagi rin bilang konsehal sa ika-5 Distrito ng Lungsod Quezon.
Pangatlo si Alfred sa mga nanalo kasama sina Aiko Melendez at iba pang miyembro ng Serbisyo sa Bayan Party.
“Nagpapasalamat kami sa lahat ng sumuporta at sa aming malaking pamilya sa Novaliches. Walang iwanan hanggang sa huli,” ani PM Vargas.
“Ang panalong ito ay tagumpay ng bawat Batang Novaliches na nangangarap ng mas maunlad na kinabukasan,” aniya.