HINIKAYAT ni Senador Alan Peter Cayetano ang gobyerno nitong Lunes na magsagawa ng mga reporma upang maging mas epektibo at makatao ang proseso ng pagboto, lalo para sa mga guro na nagsisilbing poll workers.
“‘I-simplify’ lang talaga: more schools, more teachers, more machines, and less hours,” pahayag ni Cayetano sa isang interview matapos bumoto nitong 12 Mayo sa Bagumbayan, City of Taguig.
Iminungkahi ng senador na bawasan ang oras ng pagboto mula 7:00 am hanggang 5:00 pm, basta’t may sapat na silid-aralan at mga tauhan.
“It really takes a toll on their (teachers’) health. Alas-singko ng umaga, nandito sila, nagpe-prepare na, hanggang matapos ang mga bumoboto at magbibilang pa,” wika niya.
Ayon sa senador, maraming guro ang halos hindi na natutulog dahil nagtatrabaho sila mula madaling araw hanggang hatinggabi.
“Halos 24 oras na hindi mo pinatutulog ‘yung mga teachers. ‘Di naman sundalo ‘yung mga ‘yan, nasanay [na tayo] sa ganoon,” wika niya.
Binigyang diin ni Cayetano ang patuloy na pagbibigay ng prayoridad sa senior citizens, mga buntis, at PWDs sa mga unang oras ng pagboto.
“‘Yung 7:00 to 9:00 am, o kung gagawin nating 6:00 to 8:00 am, iyon muna ‘yung mga priority katulad ng senior citizens, mga buntis, at PWDs,” wika niya.
Bagaman kinikilala niya ang mga pagsulong sa teknolohiya at sa bilangan ng mga balota, sinabi ni Cayetano na patuloy pa rin ang mga logistical problems, tulad ng technical glitches at matagal na pila sa voting centers.
“Inabot ko pa na dalawa hanggang tatlong araw bago dalhin sa munisipyo ang mga balota… So having more schools, more teachers, being more tech-savvy, and having more machines — ‘yan ang ilang bagay na puwede nating gawin para maging maayos ang pagboto,” wika niya. (NIÑO ACLAN)