
MASAYANG ibinalita ni Department of Budget and Management (DBM) Secretary Amenah “Mina” F. Pangandaman, batay sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., inaprobahan ng kanilang ahensiya ang P2,000 across the board increase sa honoraria ng mga teacher at iba pang poll workers na magsisilbi ngayong 12 Mayo 2025 national and local elections (NLE).
“As directed by our beloved President Bongbong Marcos, finally, our teachers and poll workers will receive a P2,000 across the board increase on their compensation for the 2025 midterm elections,” paliwanag ni Sec. Mina.
“Alam po natin, sa pagbabantay ng ating mga boto, haharap sa pagod, puyat at sakripisyo ang ating mga guro at poll workers. Kaya noon pong inutusan tayo ng Pangulo na itaas ang kanilang benepisyo, hindi po tayo nagdalawang-isip,” dagdag ng kalihim.
“This is a realization of the directive of President BBM, who is truly committed to ensuring we provide needed support for the welfare of our teachers.”
Dahil dito, ang bagong rate ng mga honoraria sa Electoral Board ay P12,000 mula sa dating P10,000 para sa chairperson; P11,000 mula sa dating P9,000 sa poll clerk; P11,000 mula sa dating P9,000 para sa 3rd member at P8,000 mula sa dating P6,000 sa support staff.
Nanawagan din ang Budget Secretary sa mga concerned agencies na tiyakin ang early release ng mas mataas na honoraria para sa mga teacher at poll workers sa midterm polls.
“I urge Comelec to ensure that our teachers and poll workers will get their compensation as quickly as possible. Dapat timely ang release ng kanilang benepisyo. They deserve nothing less,” patuloy ni Sec. Mina.
Ang budgetary requirement para sa mga honararia ng poll workers na inaprobahan sa ilalim ng FY 2025 General Appropriations Act ay itinalaga sa P7.480 bilyon. Ayon sa COMELEC, aabot ang kabuuuang bilang ng poll workers para sa national at local elections sa 758,549.
Base sa Election Service Reform Act and COMELEC Resolution No. 10194, ang mga indibiduwal na magsisilbi sa eleksiyon ay dapat tumanggap ng honoraria, travel allowance, communication allowance, meal allowance, at service credit. (NIÑO ACLAN)