TINIYAK ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Vince Dizon sa publiko ang maayos at ligtas na paglalakbay ngayong panahon ng Semana Santa.
Sa isang pulong balitaan sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3, sinabi ni Dizon na nagtutulong-tulong ang iba’t ibang ahensiya ng gobyerno upang matugunan ang tumataas na demand ng pasahero sa mga paliparan sa bansa ngayong holiday season.
Bukod sa “no leave policy” sa mga kawani ng Manila International Airport Authority (MIAA-DOTr) at Bureau of Immigration(BI) nagtalaga ng mga karagdagang tauhan para umalalay sa mga pasahero at maiwasan ang mahabang pila sa Immigration area.
Naniniwala si Dizon na malaking tulong ang pagbubukas ng karagdagang immigration counter na priority para sa overseas Filipino workers (OFWs) at airlines crew.
Ani Dizon, inaasahan nila ang pagdagsa ng 36,000 daily passengers sa airport ngayong Semana Santa para magbakasyon sa iba’t ibang lalawigan.
Inaasahan din ang pagdagsa ng local at foreign tourists na magtutungo sa mga tourist destination upang samantalahin ang ilang araw na bakasyon ngayong Holy Week. (NIÑO ACLAN)