HINAHABOL ng Bureau of Internal Revenue (BIR) sina Pasay mayoral candidate, councilor Editha Manguerra at kandidatong konsehal Yok Tin Tan So, na sinabing nabigong magbayad ng tamang buwis sa naganap na bentahan ng isa sa mga propriedad sa ilalim ng kanilang real estate company.
Batay sa dokumentong nakuha, nagpadala ng liham (notice to reply) ang BIR Region No. 88 – South NCR Revenue District Office No. 051 -Pasay City, may petsang 31 Enero 2025 para kina Manguerra at So matapos humiling sa ahensiya na magpalabas ng electronic-Certificate Authorizing Registration (e-CAR) sa ilalim ng OTS-0088-051-0125-06832, OTS-0088-051-0125-06833, at OTS-0088-051-0125-06833 na bahagi ng isang deed of absolute sale na hinawakan ni revenue officer C. Nofies.
Ayon kay Revenue District Officer Mary Ann V. Canare, lumalabas sa kanilang record na si Manguerra ang nag-iisang may-ari ng SYT Apartment at VTSO Builders na pasok sa negosyo ng real estate.
Samantala, hinahabol naman si So dahil siya ay may kaugnayan sa Wowee Market.
Ayon sa BIR, matapos maibenta ang naturang property, maituturing itong isang investment at bahagi ng kanilang ari-arian kung kaya’t nakapaloob sa expanded-withholding tax.
Ipinag-utos ng BIR sa dalawa na magpalabas ng kopya ng sales invoice (SI) sa buyer batay sa gross selling price na inoobliga ng Section 4. 106-4 sa ilalim ng Revenue Regulation 16-2005 kaugnay ng Section 264.
Iginiit ni Canare ang kabiguang magkaloob ng resibo o sales o commercial invoices ay maliwanag na paglabag sa pag-iimprenta ng resibo o invoices at iba pang paglabag ng NIRC 1997 matapos na ito ay maamyendahan.
Binigyang-linaw ni Canare, bagamat hindi kondisyon bilang precedent ang VAT ay binibigyan sina Manguerra at So ng limang araw para magsumite ng mga dokumentong hinihingi ng BIR.
Nanindigan si Canare, sa sandaling mabigong maisumite ay hindi nila ipoproseso ang hinihinging e-CAR.
Itinuturing ng BIR na non-compliant ang mga naturang estbalisimiyento hanggang hindi sumusunod sa iniaatas ng batas.
Tahimik ang kampo nina Manguerra at So sa nasabing usapin. (NIÑO ACLAN)