NAG-INSPEKSIYON sa senado si House Secretary General Reginald Velasco upang matukoy kung ano ang magiging porma ng impeachment court at saan pupuwesto ang prosecution team sa sandaling magsimula ang impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte.
Dahil dito, inikot at giniyahan si Velasco ni Senate Secretary Atty. Renato Bantug upang sa ganoon ay alam nila ang kanilang lulugaran.
Ang sesyon hall ng senado ang magsisilbing impeachment court sa gagawing paglilitis laban kay Duterte na mayroong 340 upuan na maaaring ilaan sa mga staff ng senators/judge, tagasuporta ng prosecutor at depensa, at sa mga nais makasaksi sa paglilitis.
Sinabi ni Bantug, itinalaga nila sa prosecutor team ang Tolentino room na magsisilbing kanilang lugar o puwesto.
Gayonman, humihirit si Velasco ng isa pang kuwarto para sa kanilang secretariat ngunit ang tugon ni Bantug ay pag-uusapan pa ang lahat at pag-aaralan.
Sinabi ni Bantug na mayroong nakatalagang isang kuwarto para sa defense team ngunit hindi muna nila ihahayag lalo na’t hindi pa nakikipag-ugnayan sa kanila ang grupo ng depensa.
Hindi pa rin batid kung mayroong kuwartong ipagkakaloob sa mga testigo lalo na’t sinabi ni Velasco na mayroon silang tinatayang 70 testigo na ihaharap sa paglilitis.
Tiniyak ni Bantug, sa ngayon ay wala pang ginagastos ang senado na may kaugnayan sa impeachment ni Duterte.
Sa kasalukuyan ay sinisimulan nang barnisan ang mga mesang gagamitin sa impeachment trial ng mga senator/judges, prosecutor, at defense team.
Idinagdag ni Bantug, kasalukuyang isinasagawa ang pagsusukat sa mga senador ng kanilang gagamiting robe sa sandaling sila ay umupo bilang senator/judge. (NIÑO ACLAN)