NAARESTO ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation (NBI) ang apat na puganteng Korean nationals na nahuli sa ilegal na operasyon ng online gambling sa isang condominium sa Porac, Pampanga.
Iniharap ng NBI sa media ang mga suspek na kinilalang sina Kim Minhua, Kim Haesu, Kim Minsuu, at Jan Jin.
Ayon kay NBI Deputy Director Ferdinand Lavin, noong 27 Pebrero 2025, nagpatupad ng Warrant to Search, Seize, and Examine Computer Data (WSSECD) ang NBI– Pampanga District Office (NBI-PAMDO) sa Barangay Sta. Cruz, Porac, Pampanga.
Nag-ugat ang lahat sa impormasyong nakuha ng NBI na ang mga nabanggit na lugar ay nagpapatakbo bilang isang illegal online gambling hub na walang lisensiya mula sa Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR).
Sa pagsisikap ng NBI-PAMDO, nakakuha sila ng search warrant para sa Illegal Online Gambling sa ilalim ng Presidential Decree No. 1602 kaugnay ng Republic Act No. 10175 (Cybercrime Prevention Act of 2012) mula sa Regional Trial Court (RTC) Branch 81, Malolos City, Bulacan.
At sa naganap na operasyon, nakompiska ng mga awtoridad ang mga computer device at online gambling paraphernalia na ginamit sa pagsasampa ng nabanggit na mga kaso.
At sa pagpapatuloy ng imbestigasyon, nadiskubre ng mga ahente ng NBI-PAMDO, sa pakikipagtulungan ng Interpol, Korean Embassy, at Korean National Police Agency, na sina Kim Minha at Kim Haesu ay mga puganteng Koreano na wanted para sa prosekusyon ng gobyerno ng Korea at naisyuhan ng Interpol Red Notice.
Napag-alaman na ang dalawa ay miyembro ng Korean voice phishing syndicate na nagtago sa Filipinas mula noong 2017.
Nagagawang manloko sa mga biktima ang grupo ng dalawa sa pagpapanggap bilang mga banker, na nagkamal ng halos USD 840,000 mula sa kanilang mga scam.
Kaugnay nito, nagpalabas ang Chuncheon District Court ng Republic of Korea ng warrant of arrest para sa fraud (Criminal Act 347-(1).
Itinakda ang paglilitis sa RTC Branch 115 sa Angeles City sa kaso ng dalawa.
Hindi naitago ni Santiago na purihin ang intelligence ng NBI-PAMDO at PAF para sa matagumpay na operasyon sa pagpapatupad ng batas at para sa international collaboration sa counterparts para paghuli ng mga puganteng naglalamyerda at nang-i-scam sa Filipinas. (NIÑO ACLAN)