
Antonio CarpioSara Duterte Chiz EscuderoKASUNOD ng panawagan ng 1 Sambayan na simulan ng Senado ang paglilitis sa inihaing impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte, hiniling nito kay Senate President Francis “Chiz” Escudero na atasan ang Armed Forces of the Philipines (AFP) na tiyaking protektado ang mga ebidensiya ukol sa dalawang military aide ni Duterte na humawak ng P125 milyon confidential funds nito.
Batay sa liham na ipinadala ni dating retired Chief Justice Antonio Carpio kay Escudero, tahasang sinabi na dapat ngayon pa lamang ay naghahanda na ang senado ukol sa kailangang atensiyong legal at procedural details ng impeachment.
Kabilang sa mga iminungkahi ni Carpio na maaari nang simulan ng Senado ang pagrebisa sa impeachment rules na gawing simple lamang upang maging epektibo ang proseso.
Bukod sa mungkahing dapat nakapaloob sa impeachment rules na binibigyan ng kapangyarihan si Escudero o ang Senate President ukol sa usapin ng “forthwith issue” na maaari na siyang magpalabas ng summons sa inirereklamong opisyal ng pamahalaan nang sa ganoon ay agarang makasagot sa reklamo laban sa kanya sa loob ng 15 araw.
Hiniling nila na pagkalooban ng senado si Escudero ng kapangyarihang pahintulutang tanggapin ang mga isusumiteng pangalan ng mga testigo ganoon din sa mga judicial affidavits.
Anila, dapat pahintulutan si Escudero na matiyak na maingatan o ma-preserve ang mga records na may kaugnay sa kaso na hawak ng iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan.
Iginiit ni Carpio, lubhang mahalaga ang kanilang mga mungkahi upang magampanan ng Senado ang kanilang ‘sole power’ para sa paglilitis at paghuhusga sa impeachment cases.
Binigyang-linaw ni Carpio, kung susundin ng Senado ang kanilang mungkahi ay magtitiyak na uusad ang paglilitis nang walang anumang hadlang. (NIÑO ACLAN)