ISANG modernong pamilyang Filipino na labas sa konsepto ng isang kombensiyonal na pamilya ang nais katawanin ng Pamilya Ko Partylist sa kongreso sa sandaling sila ay manalo.
Ito ang tahasang sinabi ni Atty. Anel Diaz, ang first nominee ng naturang partylist, nang umikot at magbahay-bahay sa malaking bahagi ng Barangay 78 sa Caloocan City, kasama ang kanyang mga tagasuporta.
Tinukoy ni Diaz na gumawa sila ng isang acronym na “lovables” na sumasagisag sa mga live-in partners, OFW families, victims of domestic abuse, adopted families, blended families, extended and elderlies, at solo parents na makikinabang sa batas na nais nilang maipasa sa kongreso.
Tatlo aniyang legislative measures ang ihahain nila kung sakaling makasungkit ng puwesto sa kongreso at una na rito ang magkaroon ng pantay-pantay na karapatan ang lahat ng mga bata, lalo na sa mana ng magulang, maging sila man ay ipinanganak ng ina na hindi kasal sa asawa.
Nakatakda nilang ihain ang panukalang “domestic partnership law” na pakikinabangan ng mga live-in partners at mga LGBTQ o lesbian, gay, bisexual, at transgender couples na matagal nang nagsasama.
Sa gayon, sila ay magkaroon ng karapatan na makapagmana at mangasiwa sa kanilang ari-arian at mabigyan ng karapatang makapagdesisyon sa usaping medikal kung sakali’t dinala nila sa pagamutan ang kanilang partner na may malubhang kalagayan.
Ang ikatlong isusulong na panukalang batas ay magkaroon ng legal na batayan ang surrogacy o ‘yung pagbabayad sa mga babaeng magluluwal ng sanggol para maging anak ng mag-asawang hindi magkaanak.
Aminado si Diaz, sa ngayon ay walang batas na magre-regulate sa surrogacy kaya karaniwan na itong tinatagurian bilang pang-aabuso at pagsasamantala.
“Alamin natin ‘yung conditions, parameters, proteksiyonan natin ‘yung magulang, ‘yung sanggol at ‘yung surrogate kasi tatlong partido ang involve dito,” pagwawakas ni Diaz. (NIÑO ACLAN)