INILINAW ni Christian Monsod, isa sa mga framer ng 1987 Philippine Constitution na maaaring gamiting dahilan ng senado ang mga nakabinbing petisyon sa Korte Suprema na may kaugnayan sa impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte upang hindi ito mag-convene bilang impeachment court at umupo bilang mga senator/judges.
Ang paglilinaw ni Monsod ay kanyang ginawa sa pagdalo sa The Agenda media forum sa Club Filipino, San Juan City.
Ayon kay Monsod kailangang masagot sa lalong madaling panahon ng Korte Suprema ang lahat ng petisyong inihain sa kanila upang sa ganoon ay makita ang dapat na patunguhan ng reklamo.
Aminado si Monsod na bilang isa sa framer ng Saligang Batas mahalaga ang salitang “forthwith” na ang ibig sabihin ay “dapat sa lalong madaling panahon o agaran”.
Klinaro ni Monsod na kaya nakahiwalay ang Article XI sa ibang artikulo dahil ito ay nakalaan sa espesyal na kaganapan at ito ay patungkol sa usapin ng impeachment.
Bukod dito, tinukoy ni Monsod na tatlo ang tungkulin ng senado, ito ay ang legislation, Senate electoral tribunal at ang maging senator/judge sa isang impeachment proceedings.
Iginiit ni Monsod na hindi na kailangan pang maging involve ang Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., para magpatawag ng special session dahil wala naman siyang kinalaman at involvement ukol sa reklamo laban sa bise presidente. (NIÑO ACLAN)