
ni NIÑO ACLAN
NANINDIGAN si Senate President Francis “Chiz” Escudero na walang magaganap na paglilitis sa senado na may kaugnayan sa impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte habang nasa break ang sesyon ng dalawang kapulungan ng kongreso.
Inihayag ito ni Escudero sa Kapihan sa Senado para ilinaw na hindi pa pormal na naabisohan ng kahit anong
impeachment complaint at wala pang opisyal na diskusyon sa hanay ng mga senador kaugnay ng nasabing bagay.
“There have been no formal meetings or caucuses about this issue before we adjourned — not on Tuesday, Monday, or even last week,” paglilinaw ni Escudero.
Bukod dito, iginiit ni Escudero na walang kahit sino ang maaaring magdikta at madaliin ang senado para litisin ang bise presidente sa pamamagitan ng impeachment court.
Paglilinaw ni Escudero, hindi natalakay sa plenary ng senado ang usapin na may kaugnay sa isinumiteng impeachment complaint laban kay Duterte.
Binigyang-linaw ni Escudero na maaari talaga silang maglitis o magsagawa ng trial kasi session break kung ang senado ay na-convene bilang impeachment court habang mayroong sesyon.
Bukod sa hindi pa nakapanumpa ang mga senador na tatayong huwes at dagdag rito ang kakulangan ng panahon upang sila ay makapaghanda sa gagawing paglilitis.
Tiniyak ni Escudero sa pagbabalik nila sa 2 Hunyo 2025 sa sesyon ay maaari o hindi pa rin nila maaaring matalakay ang impeachment complaint lalo na’t wala ito sa agenda sa regular na sesyon.
Ngunit walang katiyakan ang lahat depende sa magiging desisyon ng mayoryang senador sa 2 Hunyo.
Sa kasalukuyan ay pag-aaralan at babalangkas muna ang Senate Secretariat ng magiging takbo, rules, at pamamaraan sa pagtrato sa reklamo laban kay Duterte.
Tiniyak ni Escudero na sa sandaling sila ay tumayong impeachment court ay kanilang igagalang ang karapatan ng bawat panig at diringgin ang lahat ng mga testimonya at pag-aaralang mabuti ang mga ebendensiya.
Aminado si Escudero na sakaling maluklok ang mga bagong halal na 12 senador matapos ang magaganap na halalan ngayong darating na Mayo 2025 ay maaari pa rin magpatuloy ang paglilitis ng impeachment court kung ito ay mako-convene sa loob ng anim na sesyon sa pagbabalik sa 2 Hunyo 2025.
Ani Escudero, tulad ng ilang mga korte sa bansa, sa sandaling magretiro, ma-promote, o malipat ang isang hukom sa kanyang hawak na sala lahat ng kaso ay ipapagpatuloy ng papalit sa kanya.
Ganoon din ang mangyayari sa impeachment sa sandaling mahalal ang bagong 12 senador sa 2025 elections.
Sa ngayon, ‘bingi at sarado’ ang tainga ni Escudero sa mga tumutuligsa sa senado sa hindi nito agarang pag-aksiyon sa reklamo lalo na’t hindi naman sa kanila nagtagal kundi sa mababang kapulungan ng kongreso na pinanggalingan nito.
Nanawagan si Escudero sa kanyang kapwa senador na maging miangat sa kanilang komento ukol sa reklamo lalo na’t sila ay uupong hukom at huhusga sa kapalaran ni Duterte.
Siniguro ni Escudero na walang maaapektohang trabaho sa senado sa sandaling sila ay umupo bilang impeachment court. (NIÑO ACLAN)