ISANG overseas Filipino worker (OFW) mula sa bansang Kuwait ang nagwagi ng isang brand new house and lot sa katatapos na 13th OFW and Family Summit na ginanap sa The Tent, Las Piñas City.
Natukoy na si Mylene Chua, ina ng limang anak, mula sa Sto. Niño, Marikina City, nagtatrabaho bilang domestic helper sa Kuwait, ang nakakuha ng grand prize na house and lot sa isang Camella subdivision.
Ang nasabing pa-raffle ay bahagi ng pagbibigay- pugay ng pamilyang Villar sa hindi matatawarang kontribusyon ng mga OFW sa ekonomiya ng bansa, na ginanap noong Biyernes, 8 Nobyembre.
Tinatayang mahigit 4,000 OFWs at kanilang mga kapamilya ang lumahok sa nasabing Summit.
Sa temang “Tara Magnegosyo Na!” hinikayat ng Summit ang mga OFW at kanilang mga pamilya na mamuhunan sa mga lokal na negosyo upang mapakinabangan ang kanilang pinaghirapang kita.
Sinimulan ang kaganapan sa isang ribbon-cutting ceremony na pinangunahan ng Pamilya Villar kasama si Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) chief Arnel Ignacio, Department of Migrant Workers (DMW) Assistant Secretary Venecio Legaspi, at Rev. Fr. Dennis Irisari ng Parokya ng San Ezekiel Moreno.
Sa kanyang pahayag, taos-pusong nagpasalamat si House Deputy Speaker Camille Villar sa mga OFW sa kanilang napakalaking kontribusyon sa lipunan.
“Lahat po kami ay taos-pusong nagpapasalamat sa inyo at sa sakripisyo ninyo,” ani Villar.
“Kaya para po sa inyo itong 13th OFW Summit, para kahit sa isang munting paraan, maipakita po namin ang pasasalamat sa inyo. Saludo po kami sa inyong sipag, tiyaga, dedikasyon, at pagmamahal sa ating bayan” dagdag ni congresswoman Villar.
Tiniyak ni Senator Mark Villar sa mga OFW at kanilang mga pamilya ang patuloy na tulong at suporta, sa personal at sa pamamagitan ng legislative initiatives na naglalayong pangalagaan ang mga karapatan at kapakanan ng mga OFW.
Binigyang-diin niya ang paghahain ng Senate Bill 223 para magbigay ng credit assistance sa mga nagtatrabahong OFW at Senate Bill 1415 para magtatag ng Assistance Fund para sa distressed OFWs.
“Kami po ay lubusang humahanga sa inyong pagsisikap upang mabigyan ng magandang buhay ang inyong mga pamilya sa kabila ng pagiging malayo sa kanila,” ayon kay Senator Mark.
“Kaya naman po sa abot ng aming makakaya, kami po ay patuloy na magbibigay ng suporta sa ating mga kapatid na OFWs at sa inyong mga pamilya na maiiwan dito sa Filipinas,” dagdag niya.
Si dating Senate President Manny Villar na nagsimula ng nasabing adbokasiya sa OFW, ay nagpahayag ng optimismo tungkol sa pagsulong na nagawa sa pagprotekta sa sektor ng OFW at idiniin ang pangangailangang pahusayin ang pinansiyal at entrepreneurial na kakayahan.
Kinilala niya ang mahalagang papel ng mga migranteng manggagawa sa lipunan at ekonomiya, at hinimok ang patuloy na suporta para sa kanilang mga pagsisikap.
“Natutuwa ako at umaangat ang buhay ng ating OFWs. Marami pa rin tayong tutulungan, magkikita pa rin tayo sa mga susunod na OFW Summit,” pahayag ng dating Senate President.
Sa kanyang huling mensahe, pinasalamatan ni Senador Cynthia Villar ang lahat ng dumalo sa Summit at muling inanyayahan ang lahat na gamitin ang kanilang mga natutuhan at insights mula sa mga panauhin upang maitatag ang lokal na negosyo at mapaunlad ito.
Naniniwala ang senadora, sa wastong paggabay at pagtuturo, makakamit ng OFW ang tagumpay sa pagnenegosyo, habang pinasisigla ang paglago ng ekonomiya sa mga lokalidad.
Iba’t ibang eksperto sa financial literacy, business start-ups, at career development programs ang inimbitahang magsalita sa event.
Ang mga matagumpay na OFW entrepreneurs ay inanyayahan na magbahagi ng mga karanasan na maaaring makatulong sa paghihikayat sa mga OFW na matalinong gugulin ang kanilang pinaghirapang pera.
Sa pagitan ng mga talakayan at pagtatanghal, nagbigay ng mga raffle prizes. kabilang ang mga household appliances, pangkabuhayan package, at mga motorsiklo para sa mga kalahok na dumalo
Ang Summit — na inisyatiba ng pamilya Villar sa pamamagitan ng Villar Foundation —- ay ang handog kada taon para sa mga OFW na patuloy na nagsasakripisyo para maibigay sa kanilang mga pamilya ang disente at komportableng buhay dito sa bansa. (NIÑO ACLAN)