MARIING kinondena ng kampo ni Cebu Mayor Michael Rama ang ipinapakalat na balita ng isang opisyal ng lungsod na nabasa na niya ang desisyon ukol sa kasong nepotismo na isinampa laban sa alkalde.
Sa pagdalo ng naturang opisyal ng lungsod sa pagpupulong ng mga South District Barangay Captain sa isang hotel sa Cebu ay inihayag niya na nabasa niya ang desisyon na pinapatawan ng parusang dismissal mula sa serbisyo at perpetual disqualification from holding public office.
Bagay na lubhang ipinagtataka ng kampo ni Rama dahil una, ang kaso laban kay Mayor Rama ay hindi pa nakatakda para sa desisyon lalo na’t may mga unresolved pang usapin ukol sa kaso.
Ikalawa, sa ilalim ng panuntunan ng Ombudsman ay may mga procedural steps pa ang dapat makompleto bago madesisyonan ang isang kaso.
Pagtitiyak ng kampo ni Rama, hanggang sa kasalukuyan ay wala pang natatanggap na notice at ang kanyang kaso ay submitted para resolusyonan.
Bukod sa hindi rin pribado sa kaso ang naturang opisyal na nagpapakalat ng hindi pa lumalabas na desisyon.
Nababahala ang kampo ni Rama lalo na’t minsan nang nangyari sa kanya ito na may kaugnayan sa kanyang suspensiyon na dalawang araw bago lumabas ang suspensiyon niya ay napahayag din ang isang kilalang pangalan sa lungsod kung saan nangyari.
Dahil dito nag-aalala ang kampo ni Rama sa kawalan ng respeto sa mga Cebuano na tila minamaliit nito ang integridad ng institusyon.
Kaugnay nito, naniniwala ang kampo ni Rama na hindi dapat balewalain ang pag-uugaling ito nang sa ganoon ay mabalik ang tiwala sa due process ng umiiral na batas.
Iginiit ng kampo ni Rama na nais nila ay magkaisa ang buong bansa at hindi mawala ang tiwala sa sistema ng hustisya. (NIÑO ACLAN)