DALAWANG pulis-Kyusi at anim na ticket scalpers o nagbebenta ng tiket sa sobrang mahal na presyo para sa Game 3 ng UAAP Season 80, ang inaresto ng mga operatiba ng Quezon City Police District (QCPD) sa bisinidad ng Araneta Coliseum sa Cubao, Quezon City, kamakalawa ng hapon.
Sa ulat kay QCPD director, Chief Supt. Guillermo Lorenzo T. Eleazar, ang inarestong mga pulis ay sina SPO4 Rudy Bala at SPO4 Reynaldo Frias, kapwa nakatalaga sa Cubao Police Station 7.
Habang ang dinakip na mga sibilyan ay sina Romeo Panopio, Maximo Dayandante, Michael Segismundo, Almer Mercado, Artemio Comon, at Faustino Valenzona.
Nitong Linggo, dakong 3:00 pm, nagkasa ng operasyon ang mga tauhan ng District Special Operational Unit (DSOU) makaraan makakuha ng impormasyon na nagkalat ang mga scalper sa lugar para sa laban ng Ateneo Blue Eagles at De La Salle Green Archers.
Nagresulta ang operasyon sa pagkakadakip sa walong suspek, kabilang ang dalawang pulis.
Ayon kay Senior Inspector Paterno Domondon, ang patron seat na P450 ang halaga ay ibinebenta sa presyong P6,000, habang ang Standing Room Only ticket na P350 ang presyo, ay ibinibenta sa ha-lagang P1,500.
Paliwanag ng mga suspek, suma-sideline lang sila kaya nila sinamantala ang pagkaka-taon na kumita dahil alam nila na kahit anong mahal ng ticket ay papatusin ito ng diehard UAAP fans. Hiyang-hiya ang dalawang pulis sa kanilang ginawa at humingi ng paumanhin. Itinanggi nilang may kasabwat sila sa loob kaya nila nagagawang pumakyaw ng mga ticket.
Mahaharap ang walo sa paglabag sa City Ordinance 493 o Anti-Scalping na may katapat na piyansang P2,000.
(ALMAR DANGUILAN)