RATED R
ni Rommel Gonzales
SUMANG-AYON si Lani Misalucha sa inihayag ni Regine Velasquez sa kanyang Tiktok account na alam niyang tapos na ang kanyang panahon sa music industry.
Lahad ni Lani, “‘Yung sinasabi ni kumareng Reg na hindi na ito ‘yung prime namin totoo rin naman iyon.
“Ako rin, ganoon naman din talaga, ‘di ba? Lahat iyan… marami ng sakit, ‘di ba? May mga sakit na sa balakang, sa tuhod.
“Lalo na ako, especially na nagkaroon na ako ng disability, nakikita niyo naman lagi akong inaalalayan ni Christian kasi wala na nga akong balance.”
Si Christian Bautista ay tulad ni Lani na judge sa The Clash 2025.
Ang disability naman ni Lani ay ang pagkakaroon ng bacterial meningitis noong 2022 na naging dahilan para magkadiperensiya ang kanyang pandinig.
Ayon pa kay Lani, “So mas lalo na sa akin because nga ‘yung disability ko na partially deaf… mas mabigat para sa akin.
“So maaaring nasabi ni Reg iyon dahil nga iyon na ‘yung mga nararamdaman niya. Hindi na kami bata eh.”
Inilahad din ni Regine sa kanyang Tiktok post na hindi na siya nakikipag-kompitensiya sa mga mas nakababatang singers.
“And iyong sinasabi mo na makipagsabayan, hindi na rin naman namin kailangang makipagsabayan, you know,” reaksiyon pa ni Lani.
“Nadaanan na namin ang magagandang mga experience sa buhay, at nabigyan kami ng magandang mga pagkakataon na nadaanan naming lahat iyon.
“Nabigyan na kami ng magagandang, ano ang tawag mo rito? Na-meet namin ang maraming mga tao sa pamamagitan ng aming pagkanta.
“That’s enough, with that, that’s already enough for us and sa stage na ito, ako, ako ‘no, sa stage na ito sa totoo lang ine-enjoy ko na rin lang.
“Pero ako’y nagpasalamat sa Panginoong Diyos na kahit anong… no matter how I try to step away, wala eh, dumarating pa rin ang mga oportunidad.
“Dumarating pa rin ang mga pagkakataon na gusto pa rin akong pakantahin.
“So iyon na lang ang malaki kong pasasalamat sa Panginoong Diyos dahil may ginagawa pa rin ako ngayon.”
Tulad ng ng pagiging judge niya sa The Clash 2025 kasama sina Christian at Ai Ai delas Alas at hosts naman sina Julie Anne San Jose at Rayver Cruz.
Napapanood sa GMA tuwing Linggo, 7:15 p.m., ang mga baguhan o first time contestant ng The Clash ay sina Adelle Yu, Carlos Florez, Divine Camposano, Jan Echavarria, Jayce San Rafael, Juary Sabith, Liafer Deloso, Leigh Atienza, Marian Pimenta, Mitzi Josh, Scarlet Yape, at Venus Pelobello.
Twist naman na makalalaban nila ang mga Clashbacker, 12 datihang contenders na nagmula sa mga nakaraang season ng singing competition. Ito ay sina Vilmark, Renz Robosa, Jennifer Maravilla, Arabelle dela Cruz, Nef Medina, Lyra, Bea, Liana Castillo, Zyrene Ciervo, Allain Maristela Gatdula, Tombi Romulo,at Jong Madaliday.