HARD TALK
ni Pilar Mateo
SA June 25, 2025 na matutunghayan ang istorya ng world renowned Loboc Children’s Choir sa mga sinehan sa buong bansa.
Ito ang Song of the Fireflies na pinagbibidahan nina Rachel Alejandro, Morissette, Noel Comia, Jr., at Krystal Brimner. Mula sa direksiyon ni King Palisoc. Mula sa panulat ni Sarge Lacuesta.
Nakaikot na rin sa ibang bansa ang may PG rating mula sa MTRCB. Although nais sana ng mga producer nito sa pamumuno ni Girlie Rodis na ibaba sa G Rating ang pelikula para mas marami ang makapanood at mabahaginan ng magandang istorya nito.
Sa idinaos na Manila International Film Festival sa Amerika, parehong nagwagi bilang Best Actress at Best Supporting Actress sina Mori at Rachel.
Kaibig-ibig din ang mga kantang ginamit o ginawa para sa pelikula. Mula sa paggabay nina Ms. Celeste Legaspi, Raymund Marasigan ng Eraserheads; Jazz Nicolas, Louie Icampo, at Ryan Cayabyab.
Ang tanong lang naman ni Mr. C kay Girle ay kung ano ang maiisip niyang kanta para sa pelikula, ay siyang buwelta rin ng tanong kung ano ang gusto nilang makita sa reaksiyon ng taong makikinig?
“I wanted it to be magical! Looking for a feeling. Na siyang diringgin sa ‘Alitaptap.’”
Para sa mang-aawit na si Morissette, this is her most challenging film. Una niya.
“Portraying a real person is nerve wracking! But I am so grateful that the role was given to me,” saad ni Mori who portrays the character of Alma Taldo, ang guro at ang founder ng nasabing choir at si Rachel naman bilang si Equet (Enriqueta) Butalid.
Ang very inspiring movie ay humarap sa maraming pagsubok dahil inabutan sila ng pandemya kaya naghintay pa ng ilang panahon bago ituloy. Kinailangang muling mag-shoot dahil naglakihan na ang mga batang artista.
Not a musical but a film with music, sabi nga ni Mori, isang pelikula itong hindi dapat iwaksi o iwaglit ng mga Filipino. Pinapalakpakan at hinahangaan sa mga pinagtanghalan na sa ibayong dagat.
Kahit pa nagkaroon na ng offer ang mga bagwis sa likod ng mga tinig ng mga bata na sa Amerika na namalagi, mas pinipili nila na patuloy na magabayan ang Loboc Children’s Choir sa Bohol.
“Paano na ang mga ‘anak’ ko kung sa ibang bansa ako mamamalagi?” tanong ni Alma.
Ilang henerasyon na ng mga bata ang nagpapatuloy sa pagpapakilala ng kanilang tinig sa iba’t ibang sulok ng daigdig.
Sa July 20, 2025, sa Toronto naman dadalhin ang pelikula ng Culturtain Musical Production.
Kaabang-abang. Pinag-uusapan. Huwag kaligtaan!