RATED R
ni Rommel Gonzales
PULIS ang papel ni Martin del Rosario sa Beyond The Call Of Duty.
Ano ang challenge kay Martin gumanap bilang pulis?
“Siguro ‘yung mag-portray ka ng isang taong with honor, man with honor kasi ang character dito ni Ricky Mapa.
“So actually, ako naman gusto ko talagang mag-portray ng mga role na hinahangaan, ‘yung kapita-pitagan, nagkakataon lang napupunta talaga ako sa mga kontrabida role nitong previous projects ko.
“Pero excited akong maging mabait, maging honorable ulit. Feeling ko mas ano ko naman talaga iyan, mas gusto ko, mas gusto kong gawin,” kuwento ni Martin.
Noong bata ba siya ay naging pangarap niyang maging pulis o sundalo?
“Noong bata ako gusto ko dati maging piloto.”
Bakit hindi niya itinuloy na maging pilot?
“Kasi nag-artista na ako.”
Versatile actor si Martin, kahit saan siya ilinya, comedy, kontrabida, action o sexy, kaya niyang gampanan.
At sa tanong kung saan siya mas hirap, “Mas mahirap? Mas nahihirapan ako sa action at sa comedy, sa totoo lang,” bulalas ni Martin. “‘Yung drama kasi parang ilang years naman na akong dramatic actor.
“Tapos kung doon sa mga sexy scene naman, hindi naman siya talaga pinaplano eh, more on kailangan ninyo lang i-assure ng ka-partner mo ‘yung respect sa isa’t isa.
“Kumbaga, ‘Ito okay lang ba gawin ko ito sa iyo? Itong action na ito, hindi ka ba ma-offend?’
“Once na ‘yung ka-partner mo very open, alam niyo ‘yung gagawin sa isa’t isa, may respeto, wala naman masyadong problema ‘yung mga sexy scene.
“Ang ano ko sa action, ano kasi ako eh, gusto ko inaaral bawat step. Hindi kasi ako natural dancer, so ‘yung mga step, like ‘yung… kunwari rito sa ‘Lolong,’ ‘yung mga sapakan, iyan, nagpapa-call ako ng mas maaga sa production para lang mas maaral ko ng maayos ‘yung mga action number.
“Comedy naman, feeling ko kasi ang isang comedian, ipinanganak na ‘yan na skill eh, may natural talent ang pagiging mabilis, pagiging witty, ‘yung mga ganyan.”
Samantala, ang pelikula ay tungkol sa buhay ng mga pulis at bumbero dito sa ating bansa.
Ang direktor nito ay si Jose “JR” Olinares na supervising producer din ng pelikula.