RATED R
ni Rommel Gonzales
MAY tila kung anong atraksyon kay Sylvia Sanchez ang Korean movie na Picnic.
Trailer pa lamang ng Picnic ay na-magnet na si Sylvia sa pelikula na una niyang nakita noong dumalo siya sa Busan International Filmfest.
Lahad niya, “Sabi ko, parang ang ganda-ganda ng dalawang nanay, dalawang lola, tapos may lolo.
“So sabi ko, ‘Kunin natin. Kunin natin!’
“Kasi tayo, maka-pamilya tayo, eh. Ito ‘yung istorya niyan.
“Actually po, ‘pag bumibili ka abroad, hindi ipakikita sa iyo ang buong pelikula. Gut feel lang iyon.
“Alam mo ‘yun, ‘pag nakita mo lang at nagustuhan mo, teaser pa lang, bahala kang sumugal. Pero ito, hindi kami nagkamaling sumugal dito, maniwala kayo.”
Mahalaga palagi kay Sylvia ang moral lesson ng isang proyekto.
“So after niyon, pagdating dito, tiningnan namin ang pelikula.
“Tapos bilang pinag-aralan namin ‘yung characters, so ‘yun, nakuha namin. Kailangan namin ng dalawang artista na dikit talaga.
“Dikit talaga iyong relasyon nila bilang mag-best friends.
“So nakuha namin si Tita Nova at Ate Ces, kasi, close sa akin iyong dalawa at nakita ko iyong samahan nila.
“And iyon na nga, si Fyang at si JM bilang mga bagets. So roon nabuo iyon.”
Ipina-dub ng Nathan Studios nina Sylvia at Ria Atayde ang Picnic sa Tagalog sa mga mahuhusay nating mga seasoned actors na sina Nova Villa, Bodjie Pascua, at Ces Quesada, pati na rin kina Fyang Smith at JM Ibarra at kasalukuyang palabas ngayon sa mga sinehan.