NAKALIGTAS sa tiyak na kamatayan nang sagipin ng kanyang mga kapitbahay sa nasusunog niyang tahanan ang isang lolo sa Quezon City kahapon Miyerkoles, 7 Agosto ng madaling araw.
Nagkapaso-paso ang iba’t ibang bahagi ng katawan si Francis delos Reyes nang mailabas ng mga kapitbahay mula sa nasusunog na bahay sa Luzon Ave., sa Brgy. Pasong Tamo.
Sinabi ng field office ng National Capital Region ng Bureau of Fire Protection (BFP), nagsimula ang sunog dakong 2:02 am at umabot sa unang alarma.
Ayon kay Delos Reyes, nasa sofa siya at nagising nang maramdaman na mainit sa kaniyang paligid at doon ay nakita niyang nasusunog na ang kanilang bahay.
Upang makalabas, binuhusan umano ng tubig ni Delos Reyes ang apoy pero imbes mamatay ay mas lalo pang lumakas at lumaki kaya humingi na siya ng saklolo sa mga kapitbahay.
Nang marinig ang sigaw ng lolo, pilit na binuksan ng mga kapitbahay ang gate ng kanilang bahay hanggang mailabas ang biktima saka isinugod sa ospital.
Naapula ng mga bombero ang apoy dakong 2:20 ng madaling araw habang inaalam ang sanhi ng sunog. (ALMAR DANGUILAN)