DINAKIP ng mga awtoridad ang dalawang hinihinalang mga tulak sa ikinasang drug buy bust operation nitong Sabado, 4 Hunyo, sa lungsod ng San Pedro, lalawigan ng Laguna.
Kinilala ni P/Col. Cecilio Ison, Jr., ang mga suspek na sina Enrique Gabuyo, Jr., alyas Kid, 58 anyos, may asawa, construction worker, at residente sa Brgy. Magsaysay; at Erwin Sambrano, 39 anyos, may asawa, walang trabaho, at residente ng Brgy. Langgam, parehong sa nabanggit na lungsod.
Sa pakikipag-ugnayan sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) 4A, isinagawa ng Drug Enforcement Team (DET) ng San Pedro CPS ang operasyon dakong 7:49 pm kamakalawa sa Brgy. Magsaysay, San Pedro, Laguna.
Sa operasyong ito, nagbenta ang suspek na si Gabuyo ng isang sachet ng hinihinalang shabu sa pulis na umaktong poseur buyer kapalit ng P300 saka nag-abot ng isa pang sachet ng hinihinalang shabu kay Sambrano.
Matapos ang transaksiyon, inaresto ng mga pulis ang mga suspek.
Nasamsam mula kay Gabuyo ang P100 cash, isang coin purse na naglalaman ng dalawang sachet ng hinihinalang shabu, at buy bust money habang nakompiska mula kay Sambrano ang isang sachet ng hinihinalang shabu.
Dadalhin ang mga suspek at ang mga narekober na ebidensiya sa Regional Crime Laboratory Office 4A para sa laboratory testing at drug examination.
Nakatakdang sampahan ng kasong paglabag sa Section 5 at 11 ng Article II ng RA 9165 ang mga suspek sa Office of the City Prosecutor ng San Pedro, Laguna.
Pahayag ni P/BGen. Antonio Yarra, “Pinupuri ko ang San Pedro CPS para sa operasyong ito. Patuloy nating pinaiigting ang ating anti-illegal drug operations para makontrol ang paglaganap ng mga mapanganib na droga sa ating area of responsibility.” (BOY PALATINO)