3 Kapitan nasa ‘hot seat’ sa ‘super spreader events’ sa kanilang AOR — DILG
TATLONG barangay chairmen ang iniimbestigahan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) dahil sa paglabag sa ‘mass gatherings’ sa kanilang mga hurisdiksiyon.
Pinangalanan ni DILG Secretary Eduardo Año ang mga Kapitan na sina Ireneo H. Cabahug ng Barangay Matabungkay, Lian, Batangas; Bobby Daquioag ng San Mariano, Sta. Marcela, Apayao, at Franklyn O. Ong ng Kasambangan, Cebu City.
Kinuwestyon ni Año si Cabahug kung bakit nabigong ipatupad ang minimum public health standards sa mga turista na nagtungo sa isang beach resort sa Barangay Matabungkay, Batangas.
Samantala, si Daquioag ay posibleng matanggal sa trabaho matapos siyang dumalo sa isang kasalan at nagtungo sa reception sa San Mariano, Apayao habang ang kanilang probinsiya ay nasa ilalim ng modified enhanced community quarantine (MECQ).
Habang si Ong ay iniimbestigahan dahil sa magkahiwalay na insidente ng paglabag sa physical distancing sa F-bar and Café at Simatra Café sa Kasambangan, Cebu City.
Ang tatlong kapitan ay nahaharap sa patong-patong na mga kaso tulad ng gross neglect of duty, negligence, serious misconduct, and violation of Republic Act No. 11332 o mas kilala sa Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health Events of Public Health Concern Act.
Naisumite ng kalihim sa mga Prosecutor’s Office ng mga nabanggit na lalawigan ang mga nasabing kaso laban sa mga kapitan. (ALMAR DANGUILAN)