Sayyaf nalambat ng NBI QC base
NADAKIP ang isang miyembro ng Abu Sayyaf Group (ASG) sa isang operasyon sa Maharlika Village, Taguig City ng mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) – Counter Terrorism Division na nakabase sa Quezon City.
Kinilala ni NBI Officer-In-Charge (OIC) Director Eric Distor ang ASG member na si Wahab Jamal, alyas Ustadz Halipa. Siya ay nadakip nitong 7 Mayo sa bisa ng Warrant of Arrest na inilabas ng Regional Trial Court ng Basilan sa kasong Kidnapping at Serious Illegal Detention.
Ayon kay Distor ang pagkakadakip kay Jamal ay base sa impormasyon na kanilang natanggap noong buwan ng Abril na mayroong namataang miyembro ng ASG sa Maharlika Village Taguig City.
Si Jamal ay sangkot sa nangyaring kidnapping sa Golden Harvest Plantation noong 2001 sa Tairan Lantawan Basilan Province.
Lumalabas na dalawang testigo ang lumutang sa tanggapan ng NBI sa Quezon City at kinilala sa larawan na si Jamal ang kanilang nakikita sa nasabing lugar.
Dahil dito, ikinasa ng NBI agents ang operasyon laban sa ASG member na halos 20-taon nang nagtago sa batas.
Nabatid, simula 2018 nasa 27 miyembro ng ASG ang nadakip ng ahensiya. (ALMAR DANGUILAN)