Digong tinurukan ng bakunang made in China
TINURUKAN kagabi ng CoVid-19 vaccine na gawa ng Chinese state firm Sinopharm si Pangulong Rodrigo Duterte sa Malacañang.
Inilathala ni Sen. Christopher “Bong” Go sa kanyang Facebook page ang video ng pagpapabakuna ni Pangulong Duterte sa kanyang kaliwang braso kay Health Secretary Francisco Duque III dakong 6:59 kagabi.
“Pumayag dok n’ya,” sabi ni Go sa kanyang text message sa mga reporter.
Nauna rito’y binigyan ng Food and Drug Administration (FDA) ng compassionate use ang 10,000 doses ng Sinopharm vaccine para sa mga miyembro ng PSG ilang linggo makaraan ibulgar ni Pangulong Duterte na nabakunahan na ang mga sundalo noon pang Setyembre 2020.
Ang hakbang ng FDA, ay matapos ibisto ni Ramon Tulfo sa kanyang kolum sa Manila Times na ipinahiram niya ang kanyang cellhone kay Pangulong Duterte para kausapin ang Sinopharm representative sa bansa.
Isiniwalat niya na hiniling ng Pangulo na bigyan siya ng samples ng CoVid-19 vaccine para sa sarili at sa kanyang pamilya.
Inamin ni Tulfo, siya at ilang hindi tinukoy na mga opisyal ng gobyerno ay naturukan ng Sinopharm CoVid-19 vaccine noong OKtubre 2020.
Ikinuwento niya umano sa Pangulo na wala siyang naramdamang masamang side effect sa bakuna. (ROSE NOVENARIO)