Aplikasyon para sa pagpasok at pre-enrolment sa Bulacan Polytechnic College, nagsimula na
TUMATANGGAP na ng aplikasyon para sa mga estudyanteng Bulakenyo na nagnanais magpatuloy ng libreng pag-aaral sa pagbubukas ng Bulacan Polytechnic College para sa pagpasok at pre-enrolment para sa taong pampaaralan 2021-2022 nitong Huwebes, 22 Abril na tatagal hanggang 15 Agosto.
Sinabi ni Gobernador Daniel Fernando, hindi mapipigil ng pandemya ang pamahalaan sa pagbibigay ng libre at de-kalidad na edukasyon para sa mga nasasakupan nito.
“Kahit na tayo po ay nasa gitna ng pandemya, may mga paraan po tayo upang maipagpatuloy ang pag-aaral ng ating mga kabataan. Libre po ito, walang bayad. Ngunit maaari po natin itong maibalik sa ating bansa sa pamamagitan ng pag-aaral nang mabuti, pagtatapos, at paggamit ng ating mga natutuhan upang mapaunlad ang ating sarili, ang ating pamilya, at ang ating komunidad,” anang gobernador.
Kailangan magsumite ang mga bagong estudyante at transferees ng kopya o larawan sa pamamagitan cellphone camera ng requirements kabilang ang isang 2×2 color picture na may puting background; report card o Transcript of Record o Certificate of Grades; at PSA Certificate of Live Birth.
Kailangan din magpasa ang mga transferee ng Good Moral Certificate bilang karagdagan sa mga binanggit na requirements.
Mayroong iba’t ibang degree at mga kurso ang Commission on Higher Education (CHED) na iniaalok sa lokal na kolehiyo ng lalawigan sa pamamagitan ng blended learning kabilang ang Bachelor of Science in Information Systems (BSIS), Bachelor of Science in Office Management, Bachelor of Science in Accounting Information System, Bachelor of Technical Vocational Teacher Education, at dalawang-taong Associate in Computer Technology isang ladderized program sa ilalim ng BSIS.
Nagtuturo rin ng mga kursong technical at vocational kabilang ang dalawang-taon Computer Secretarial with Competency in Bookkeeping NC III; dalawang-taon Hotel and Restaurant Services (HRS) with competency in Food and Beverage Services NC II and Cookery NCII with integration of Bread and Pastry; isang-taon Contact Center Services; isang-taon Shielded Metal Arc Welding (SMAW) NCII; at isang-taon Electrical and Installation Maintenance (EIM) NC II.
Iniaalok din ng BPC ang mga strand ng Senior High School Accountancy, Business and Management; Humanities and Social Science; Technical-Vocational Livelihood; at General Academic Strand.
Para sa iba pang katanungan, maaaring dumirekta sa BPC Admission Office sa telepono bilang (044) 802-6716, cellphone number 0917-7111-690, Facebook page @bpcMalolosMainCampus, at website https://bulacanpolytechniccollege.com.
Mayroong walong campus ang BPC sa buong lalawigan kabilang ang Malolos Main, at mga campus sa Angat, Bocaue, Pandi, Obando, San Rafael, San Miguel, at lungsod ng San Jose del Monte. (MICKA BAUTISTA)