IBINUNYAG ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga pangalan ng 158 nasa gobyerno na sinasabing sangkot sa operasyon ng illegal drugs sa bansa kahapon ng madaling araw sa Camp Panacan sa Davao City.
Sa kanyang talumpati, isa-isang binasa ng Pangulo ang nakasulat na mga pangalan sa “Duterte list” ng pitong hukom, 52 dati at kasalukuyang alkalde at vice mayors, tatlong congressman, isang dating Board member at 95 opisyal at kagawad ng Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP).
Nagbabala si Duterte sa binanggit niyang mga pulis at sundalo na mag-report sa kanilang mother units sa loob ng 24 oras.
Iniutos din niya ang pagkansela sa lahat ng lisensiya ng mga armas ng mga nasa “Duterte narco-list.”
“Firearms are ordered cancelled tonight,” dagdag niya.
Habang ang mga hukom ay kailangan mag-report sa Supreme Court, ang mga pulis sa PNP chief, ang sundalo sa AFP chief of staff, at ang mga local na opisyal sa Department of Interior and Local Government (DILG).
Tinanggal din niya ang “operational authority” sa mga opisyal ng pulisya at militar na nakatalaga sa mga alkalde at iba pang local na opisyal na nasa “Duterte narco-list.”
“Go out naked to the world and show your kalokohan, ” ani Duterte.
Kapag nabigo aniyang mag-report sa AFP chief of staff o PNP chief ang mga nasa Duterte narco-list na pulis at sundalo ay bibigyan niya ng direktiba ang buong puwersa ng hukbong sandatahan na tugisin sila.
“Or else I will order the entire Armed Forces of the Philippines to hunt for you,” banta ni Duterte sa mga hindi sisipot.
Tinawag niya ang lalawigan ng Iloilo bilang “shabulized” o ang pinakatalamak ang impluwensiya ng shabu sa lahat ng probinsiya sa buong Filipinas.
Dapat aniyang patawan sila ng DILG ng kaukulang parusang administratibo kapag napatunayang guilty sila sa kasong pagbibigay proteksiyon sa illegal drugs.
Nakalulungkot aniya na umabot sa ganito kalala ang problema sa illegal drugs dahil mismong gobyerno ay sangkot dito.
“I am sorry for my country. Bakit tayo umabot sa ganitong magnitude? Kasi the government is into it,” giit ng Pangulo.
Inako niya ang responsibilidad sa Duterte narco-list dahil siya ang nag-utos sa pulisya’t militar na maghanda ng talaan at beripikahin ito.
“Any mistake of the military and the police dito, ako ‘yung tagasalo. I ordered the listing, revalidation, I am the one reading it and I am the sole person responsible for the same,” ayon kay Pangulong Duterte.
ni ROSE NOVENARIO
8 MAGUINDANAO OFFICIALS, CAGAYAN & BULACAN MAYOR SUMUKO
SUMUKO sa pulisya ang walong opisyal sa Maguindanao na kasama sa pinangalanan ni Pangulong Rodrigo Duterte na sinasabing sangkot sa illegal drug trade.
Sinabi ni Maguindanao Provincial Police Office director, Senior Supt. Nickson Muksan, pawang itinanggi ng walo na may kaugnayan sila sa ilegal na droga.
Nangangamba aniya ang mga opisyal para sa kanilang kaligtasan at nais na linisin ang kanilang pangalan.
Kasama ang kanilang mga pamilya at supporters, sumuko sina Ampatuan Mayor Rasul Sangki, Talitay Mayor Montasir Sabal, Datu Montawal Mayor Vicman Montawal, Datu Saudi Ampatuan Mayor Samsudin Dimaukom, Datu Salibo Mayor Norodin Salasal, Talitay Vice Mayor Abdulwahab Sabal, Datu Montawal Vice Mayor Otto Montawal, at Datu Saudi Ampatuan Vice Mayor Anida Dimaukom.
Kabilang din sa sumuko sina Lasam, Cagayan Mayor Marjorie Apil Salazar, at San Rafael, Bulacan Mayor Cipriano “Goto” Dungao Violago Jr.
EX-CAVITE JUDGE LUMUTANG SA CIDG
HUMARAP na sa PNP Criminal Investigation ang Detection Group (CIDG) si dating Dasmarinas, Cavite Judge Lorinda Mupas.
Ito’y upang linisin ang pangalan sa pagkakasangkot sa illegal drug trade.
Kasama ang pangalan ng hukom sa narco-list na inilabas ni Pangulong Rodrigo Duterte kahapon ng madaling araw.
2 MAYOR SUMUKO RIN
ITINANGGI ni Datu Saudi Ampatuan Mayor Samsodin Dimaukom na sangkot siya sa ilegal na droga.
Isinumite ni Dimaukom ang sarili sa Police Provincial Office sa Sharif Aguak, Maguindanao makaraan mapasama sa narco-list na inilabas ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Kusa rin sumuko sa pulisya si dating Langiden, Abra Mayor Felix Castillo makaraan pangalanan ng Pangulong Duterte na isa sa higit 150 local officials na may kinalaman sa ilegal na droga.