TAGUMPAY! (Pangarap Village sa Caloocan bukas na — Mayor Oca)
Hataw News Team
May 5, 2016
News
IPINATUPAD kahapon ng sheriff ng Caloocan City Regional Trial Court (RTC) Branch 123 ang “Writ of Preliminary Injunction” o kautusan ng korte na buksan ang gates ng Pangarap Village para sa mga utility companies gaya ng Meralco at Maynilad, gayondin para sa lahat ng government agencies.
Iginiit ni RTC Branch 131 Sheriff Jun de la Cruz ang kautusan ng korte na dapat tanggalin ang harang ng lagusan ng mga sasakyan ng gobyerno at utility companies para sa walang patid na serbisyo sa mga residente.
Bagamat tumutol ang mga abogado ng CDI o Carmel Development Inc., isang kompanyang pag-aari ng pamilya-Araneta na nagki-claim ng pag-aari sa 156 ektaryang Pangarap Village, tuluyan pa ring naipatupad ang kautusan ng korte sa pamamagitan ng pag-bulldozer sa concrete barriers at steel matting structures sa mga kalsadang sinarahan ng CDI.
Dahil dito, bumalik ang nasabing sheriff matapos tiyakin na natanggap na ng mga opisyal ng CDI ang naturang injunction.
Laking tuwa at nagpalakpakan ang mga residente sa Pangarap habang sinisira ng bulldozer ang mga harang na semento at bakal sa kanilang kalsada.
Ikinatuwa ni Caloocan City Mayor Oscar “Oca” Malapitan ang naging kaganapan at sinabi niyang, “isa itong tagumpay ng mga residente ng Pangarap village dahil babalik na ang tubig at koryente ng may 40,000 residente dito.”
Si Mayor Oca at buong konseho ng Caloocan ang naghain ng kaso laban sa CDI para mapabuksan ang mga kalsada sa pangarap.
Ang Pangarap Village ay isang malawak na 156-hectare lupain sa Brgy. 181 at 182 sa North Caloocan, na idineklarang resettlement area noong 1973 ni Pangulong Ferdinand Marcos (Presidential Decree 293), ngunit ipinawalang-bisa at hinatulang unconstitutional (PD 293) ng Supreme Court noong 1988.
Matapos mapabalita noong taon 2010 ang $1.12 billion MRT Line 7 project ng gobyerno ay hinigpitan ng CDI, ang kanilang “claim” sa naturang lupain para itaboy ang mga naninirahan doon.
Mula noong Abril 3, 2015 pinigilang pumasok ng mga guwardiya ng CDI ang meter readers ng Meralco at Maynilad, kaya nawalan ng tubig at koryente ang mga mamamayan sa Pangarap Village.
Naglagay si Mayor Malapitan ng generators at water truck delivery para maibsan ang paghihirap ng may 40,000 residente, at nagsampa agad ang Pamahalaang Lungsod ng Caloocan ng kaso laban sa CDI para tuluyan nang mabuksan ang gate at mapaalis ang mga guwardiya roon.