Mind-conditioning nag-umpisa na – ABAKADA Rep (Sa eleksiyon)
Hataw News Team
May 5, 2016
News
ISANG party-list congressman ang nagpahayag ngayon ng pangamba na nag-umpisa na ang puspusang mind-conditioning sa surveys upang palabasin na mananalo ang mga manok ng administrasyon sa halalan sa Mayo 9.
Sinabi ni Abakada Cong. Jonathan Dela Cruz ang pangamba matapos na maglabas ang Pulse Asia ng latest survey nitong Martes ng gabi na naunahan na ni dating DILG Secretary Mar Roxas si Senador Grace Poe sa pangalawang puwesto.
Sa parehong survey, ipinakita rin ng Pulse Asia na naungusan na rin ni Camarines Sur Cong. Leni Robredo si Senador Bongbong Marcos sa unang puwesto.
Ginawa ang survey, dalawang araw matapos ang naunang survey.
Ayon kay Dela Cruz, napaka-imposible na aakyat agad ang rating ng dalawang manok ng Liberal Party nang dalawa sa apat na puntos matapos ang dalawang araw.
Dahil dito, hindi na nakakapagtaka ani Dela Cruz kung sa final na survey, si Roxas na ay statistically tied na kay Davao Mayor Rodrigo Duterte sa unang puwesto at si Robredo naman ay malayo na ang agwat kay Marcos.
“Makikita na may grand conspiracy talaga na ikondisyon ang isip ng mga botante na ang mga kandidato ng Malacañang ay maaaring manalo sa halalan,” ani Dela Cruz.
Idinagdag ni Dela Cruz na maaaring “tip of the iceberg” lamang ang mga survey sa malawakang pandaraya sa araw mismo ng halalan. Hinimok din niya ang publiko na maging alerto at mapagmatyag sa Mayo 9 dahil ipinakita na ng administrasyon ang kakayahan na gamitin ang pera ng gobyerno sa kanilang kampanya.
Aminado si Dela Cruz na mula umpisa ay may suspetsa sila na ginagamit ang resources at pera ng gobyerno upang ipangkampanya sina Roxas at Robredo.
Kinompirma ito ng bagong report ng Nielsen na sina Roxas at Robredo ang may pinakamalaking gastos sa advertising sa kampanya.
Ayon sa report ng Nielsen Media report, si Robredo ang may pinakamalaking gastos sa advertising placement sa gastos na P406.82 milyon mula lamang Pebrero 9 hanggang April 27. Naungusan pa nya si Roxas sa gastos.
“Kaya ang tanong ko ay saan galing ang pera nila para sa mga ads at suporta sa kampanya? Sino ang mga campaign donors nila? Gusto nila ng transparency pero sila ang may malaking tinatago,” ani Dela Cruz.