4 rape suspects sa Lanao itinumba?
Hataw
August 21, 2015
News
INIIMBESTIGAHAN ng PNP Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang pagkamatay ng apat na mga suspek sa panggagahasa at pagpatay sa isang dalagita sa Marawi City, Lanao del Sur.
Agosto 14 nang matagpuan ang bangkay ng 15-anyos Maranao sa loob ng kanilang nasunog na bahay sa Brgy. Maito Basak.
Isang araw makaraan ang krimen, inabisohan ng ilang sibilyan ang pulisya na nahuli na nila ang mga suspek na sina Jabbar Macacua, Elias Pimping, Salman Udag at Jalil Sani.
Sinabi ni Senior Supt. Agustin Tello, Lanao del Sur police director, ayon sa mga dumakip sa mga suspek, nagtapat ang isa sa mga salarin na sinundan nila ang bata pauwi sa bahay matapos bumili ng pagkain noong madaling-araw.
Umamin din anila ang mga suspek na ginahasa nila ang biktimang kanilang itinali saka sinunog ang tahanan.
Nanatili ang mga suspek sa Marawi City Jail hanggang Agosto 17 ngunit pinalaya rin makaraang mabigong masampahan ng reklamo sa loob ng 36 oras.
Batay sa ilang ulat, sinasabing dinala ang apat kay ARMM Vice Governor Haroun Al-Rasid Lucman bago natagpuan sa likod ng isang abandonadong ospital ang kanilang bangkay na pawang tadtad ng tama ng baril.
Sinasabi ring kamag-anak ni Lucman ang dalagitang biktima.
Ngunit nilinaw ni Senior Supt. Tello na walang patunay na patay na ang apat na mga suspek.
“Wala pong ebidensiya na nakita, wala pa namang cadaver. Wala kaming ebidensya or basis na magsabing pinatay nga ‘yung apat na ‘yun po,” giit ng opisyal.
Hiningan na aniya ng pahayag ukol dito ang mga kaanak ng mga suspek dahil sa kanila ibinigay ng pulisya ang kustodiya ng apat.
Idinugtong ni Tello, mahirap paniwalaan ang ulat na mismong mga kaanak ng mga suspek ang nag-alok na ipapatay ang mga salarin dahil sa takot sa rido o away sa pagitan ng mga angkan.
Hindi makompirma ng hepe kung kaanak ni Lucman ang biktima. Hindi rin aniya nasuri ang labi ng biktima dahil sa nakagawiang agarang paglibing ng mga bangkay.