SI dating Cavite Governor Ayong Maliksi para sa ikatutuwid ng Philippine Charity Sweepstake Office (PCSO)? Teka, hindi kaya nabibigla si Pangulong Noynoy Aquino sa kanyang pinaplano?
Bakit naman, magaling na magaling naman na public servant si Ayong. Patunay daw diyan ay nang maging gobernador siya sa Cavite.
Oo nga naman magaling na magaling naman ang mama. Lamang, kung sobrang magaling si Ayong e, bakit tila mahina na siya sa mga Kabitenyo? Pero saan ba siya naging magaling? Ha … ha… ha…. mga Kabiteño ang makasasagot n’yan.
Pero wala na bang ibang makuha si PNoy? No choice na ba si PNoy? Bakit naman? Matinong-matino naman si Ayong ha. In fairness sa mama, matinong-matino naman siya at maraming nagawa sa Cavite noon pero anong nangyari sa mama. Ba’t tila inayawan na siya sa Cavi-te?
Yes, plano ni Aquino na ipalit kay Margie Juico sa PCSO si Ayong. Paktay ang PCSO! Este, paktay kayong mga gumagawa ng anomalya sa PCSO. Paktay kayong mga loko-loko diyan sa PCSO dahil isang matinong-matino (daw) na opisyal ang ipapalit kay Juico para sa tuwid na PCSO.
Pero wala na bang ibang matino? I mean, si Maliksi kasi ay matinong-matino na. Over qualified na ang mama. Nakahihiya naman sa kanya. Kaya ang kailangan lang sa PCSO ay iyong matino lang at hindi matinong-matino na tulad ni Maliksi.
Insulto rin kasi kay Juico kung ang matinong-matino na si Maliksi ang ipapalit sa kanya.
Uulitin natin, wala na bang makitang matinong tao si PNoy na papalit kay Margie? Kung si Ayong rin lang naman kasi ang papalit kay Margie, no way! Oo no way, sapagkat over qualified na nga si Maliksi sa posisyon. Ha…ha…ha… ibig sabihin ba nito ay “hasang-hasa” na si Ayong sa trabaho kaya huwag na siya sa PCSO?
Ngunit, totoo ba ang info na si Ayong ay kaibigan ni Atong Ang? Kilala naman ninyo siguro si Atong Ang? Nagtatanong lang po.
Kaya Mr President, dapat siguro na inyong kalkalin ang info.
E ‘yung sa LRTA deal? Totoo nga bang nadawit ang pangalan ni Maliksi? Alamin mo rin iyan Mr. Prexy lalo na ang kung ang daan mo ay “tuwid na daan.”
Kung ihahambing kasi si Ayong kay Margie, napakalayo nilang dalawa kung integridad ang pag-uusapan. Sino’ng nakalalamang?
Kaya nga kung maglalagay din lang ng kapalit si Pangulong PNoy sa PCSO, ‘wag na si Ayong. Bakit? Inuulit ko huwag na si Ayong kasi nakahihiya naman sa kanya. Magaling na magaling at matinong-matino na kasi ang mama na iyan. Ang dapat iyong magaling lang naman lalo na kuwarta ang pinag-uusapan sa PCSO.
Kaya ang dapat na iupo sa PCSO ay hindi pa nadadawit sa korupsyon at ang dapat ay matino lang at hindi matinong- matino na tulad ni Maliksi. Insulto kasi ito kay Maliksi bilang isang matinong-matinong lider.
Sa simula kasi naman, marami na ang bumabatikos sa PCSO, kasi nga front daw ito ng illegal na sugal at maituturing na masamang ehemplo sa mga kabataan at pamilya.
Sinasabi rin nagagamit ang PCSO sa politika lalo na kapag dumarating ang eleksiyon. Ganoon ba? So ibig bang sabihin kung sakaling matutuloy si Maliksi sa PCSO mukhang magkakaproblema dahil daw tiyak kaliwa’t kanang batikos ang aabutin ni PNoy. Bakit naman e matinong-matino naman ang mama. Iyon nga ang problema, ang dapat ay matino lang at hindi matinong-matino.
Bukod dito, malamang gagamiting malaking isyu ito ng mga taga-oposisyon na kaya siya ang inilagay diyan ay para pondohan ang mga kandidato ng LP sa 2016 elections. Hindi naman siguro papayag si Maliksi n’yan dahil sa tulad ni-yang isang matinong-matino ay galit sa katiwalian. Kaya nga inayawan na siya sa Cavite dahil galit siya sa katiwalian. Di ba mga Kabiteño? Anong sey n’yo?
Ngunit hindi pa man nakauupo si Maliksi, inuupakan na siya lalo na siguro ‘pag naupo na sa PCSO.
Attn. PNoy, okey naman si Maliksi pero mas okey siguro kung isang matino lang ang ilagay mo sa PCSO at hindi iyong matinong-matino na tulad ni Maliksi.
***
Para sa inyong komento, suhestiyon, reklamo at panig, magtext lang sa 09194212599
Almar Danguilan