GENERAL SANTOS CITY – Hirap nang magsalita ang isang lalaking isinugod sa ospital nang maputol ang dila habang nasa disco bar kamakalawa.
Kinilala ang biktimang si Lennon Nebres, nasa hustong gulang, residente ng Asai Village, Brgy. Bula, General Santos.
Sa ulat ng pulisya, inilabas ng biktima ang kanyang dila habang tinitingnan ang isang babae sa loob ng disco bar sa Ventilacion, Brgy. Lagao ng lungsod.
Sinasabing hinipuan pa ng biktima sa dibdib ang isang babae at tinitigan din habang nakalabas ang dila.
Dahil dito, hindi nakapagpigil ang guwardiya ng naturang disco bar kaya’t sinuntok ang biktima.
Bunsod nang pagkakasuntok, mariing nakagat ng biktima ang kanyang dila na ikinaputol nito.
Gayon man, masusing iniimbestigahan ng pulisya ang insidente.