OPISYAL nang isinalin kay dating PDP-Laban secretary general Atty. Melvin Matibag ang pagiging bagong Director ng National Bureau of Investigation (NBI).
Sa turnover ceremony kahapon, sa tanggapan ng NBI sa Pasay City, isinalin ni Atty. Lito Magno ang tungkulin kay Atty. Matibag na itinalaga ni President Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. (PBBM).
Nagbigay ng kanyang kaunting talumpati, tiniyak ni Atty. Magno ang buong suporta sa bagong director ng NBI at nagpahayag ng kompiyansa na ipagpapatuloy ang kaniyang mga nasimulan.
Pinasalamatan ni Atty. Matibag ang mainit na pagtanggap sa kanya ng mga empleyado ng ahensiya at humiling ng tulong para magampanan niya ang kaniyang tungkulin.
Aniya, bukas ang kaniyang tanggapan sa kahit anong puna o suhestiyon para maging maayos at mapaigi ang kaniyang trabaho.
Nangako ang bagong director na pagtutuunan niya ang promosyon ng mga tauhan ng kagawaran batay sa kanilang performance.
Samantala, nanawagan ang bagong director sa mga gumagamit ng kaniyang pangalan na tigilan ito.
Una na niyang sinabi sa isang programa sa radyo (DZRH) na nagbitiw siya sa PDP Laban ni dating Pangulong Rodrigo Duterte dahil sa pagkakaiba ng prinsipyo. (EJ DREW)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com