SAMPUNG menor de edad na ang mga retrato at video clips ay ibinubugaw sa internet ng magkapatid na babae ang nasagip ng pinagsanib na puwersa ng mga operatiba ng pamahalaan sa pangunguna ng National Bureau of Investigation (NBI) na pinamumunuan ni Director Jaime B. Santiago noong 10 Hunyo sa Concepcion, Tarlac.
Kasabay ng pagsagip, nasakote ang magkapatid na babae na siyang ‘naglalako’ sa internet ng mga retrato at video clips ng 10 menor de edad na kanilang mga kaanak.
Nabunyag ang modus operandi ng magkapatid nang ilunsad ang operasyon laban sa isang Swedish national, suspek sa pang-aabusong sekswal, kinilalang
si Heinz Henry Andreas Berglund noong 2 Abril 2025, ng NBI–Violence Against Women and Children Division (VAWCD) at Bureau of Immigration – Fugitive Search Unit (BI-FSU).
Samantala, isang hiwalay na imbestigasyon ang inilunsad ng NBI-VAWCD kasunod ng isang referral mula sa Homeland Security Investigations (HSI) Manila tungkol sa isang bugaw na Pinay na sangkot sa produksiyon at pagbebenta ng live-streamed webcam shows na naglalarawan ng seksuwal na pang-aabuso sa mga bata kapalit ng ibinabayad ng mga kliyente mula sa iba’t ibang panig ng mundo.
Nabatid sa imbestigasyon, ang nakababatang kapatid na babae ang siyang enkargado sa pasilitasyon kasama ang kanyang nakatatandang kapatid na babae.
Ang dalawa ay sangkot sa patuloy na pagbebenta at pamamahagi ng mga larawan, video, at live streaming tampok ang mga menor de edad at kapatid na babae.
Dumating ang karagdagang kompirmasyon nang magbigay ang Nordic Liaison Office (NLO) sa Maynila ng impormasyon na nag-uugnay kay Berglund sa magkapatid na Pinay na imbestigahan.
Bumuo ng aksiyon batay sa impormasyon, nakuha ng NBI VAWCD ang dalawang Warrant to Search, Seize and Examine Computer Data (WSSECD) para sa magkahiwalay na mga bahay sa Concepcion, Tarlac, na tinukoy bilang mga tahanan ng mga suspek at mga sinasabing biktima.
Pagkatapos nito, agad plinano ang rescue and entrapment operations.
Sa pamamagitan ng pinagsamang puwersa ng mga operatiba na binubuo ng mga ahente at tauhan mula sa NBI-VAWCD, NBI Tarlac District Office, NBI Digital Forensic Laboratory Division, NBI Photographers, Homeland Security Investigations (HSI) personnel, Department of Justice – Inter-Agency Council Against Trafficking (DOJ-IACAT), Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO) Social Workers, banyagang media, at Destiny Rescue Philippines (NGO), nagpunta sa Concepcion, Tarlac upang magsagawa ng isang entrapment at rescue operations at upang ipatupad ang WSSECD.
Ang koordinasyon sa lokal na Philippine National Police (PNP) ay isinagawa nang maayos.
Sabay-sabay na nagpunta ang grupo sa dalawang natukoy na tahanan. Ang operasyon ay nagresulta sa pagkakaaresto ng dalawang babaeng nasa hustong gulang sa mga kasong may kaugnayan sa entrapment at pag-aari ng mga ipinagbabawal na materyales na lumalabag sa Republic Act No. 11930 (Anti OSAEC and CSAEMs Act), Republic Act No. 9208 na sinusugan ng Republic Act No. 11862 (Anti-Trafficking in Persons Act), at Republic Act No. 7610 (Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation, and Discrimination).
Bukod dito, 10 menor de edad, pawang kamag-anak ng mga suspek ang matagumpay na nailigtas at agad na inalis mula sa mapanganib na kapaligiran upang matiyak ang kanilang proteksyon at kapakanan.
Noong 11 Hunyo, ang mga suspek ay iniharap para sa inquest proceedings sa Department of Justice, sa Ermita, Maynila para sa mga nabanggit na paglabag sa batas. (EJ DREW)