NAMAHAGI ng educational assistance ang Las Piñas City Government sa pamamagitan ng City Social Welfare and Development Office (CSWDO) at Local Youth Development Office (LYDO) para sa 850 benepisaryo sa ginanap na school supplies awarding ceremony sa Mayor Nene Aguilar DRRMO Building sa Barangay Talon Dos.
Pinangunahan ni Mayor April Aguilar ang personal na pamamahagi ng school bags na naglalaman ng mahahalagang gamit sa bagong akademikong taon, kabilang ang limang kuwaderno o notebooks, lunchbox, tumbler, scientific calculator, ruler set, scissors, at payong.
Kasama ng alkalde sa pamamahagi sina Sangguniang Kabataan (SK) Federation Chairperson Rey Angelo Reyes at CSWDO head Lowefe Romulo.
Layunin ng inisyatibong ito na suportahan ang mga estudyante sa Las Piñas na hindi sapat ang kinikita ng pamilya upang mabawasan ang pinansiyal na pasanin sa mga gastusin sa pagbabalik eskuwela at nagsusulong ng paghahanda at motibasyon sa darating na school year.
Ang taunang programang ito ay sumasalamin sa pangako ng lungsod para sa tuloy-tuloy na edukasyon at pag-unlad ng kabataan na nakahanay sa mga prayoridad ni Mayor Aguilar na maging daluyan ng mga oportunidad at suporta sa bawat pamilyang Las Piñero. (EJ DREW)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com