
HATAW News Team
NAHAHARAP sa multiple federal charges sa Estados Unidos ang isang Filipina nurse na inakusahang ‘utak’ ng malawakang healthcare fraud scheme na nambudol sa sistema ng Medicare at TRICARE nang halos US$1 bilyon o nasa P51.6 bilyon.
Si Marizel Yukee, residente sa Las Vegas, ay inisyuhan ng US District Court for the Southern District sa Texas, Houston Division ng warrant of arrest dahil sa kasong “conspiracy to commit healthcare fraud and wire fraud, healthcare fraud, conspiracy to pay and receive illegal kickbacks, at money laundering.
Inaakusahan ng federal prosecutors si Yukee na nambudol ng senior citizens at mga pasyente na may malalang karamdaman, sa pamamagitan nang pagkakaloob nang hindi kinakailangang wound treatments at sinisingil ang bayad para sa naturang serbisyo mula sa healthcare programs ng pamahalaan.
Sinabi ng prosecutors, si Yukee ay nag-o-operate ng apat na wound-care clinics sa Texas, Nevada, California, at Hawaii at nagbabayad ng illegal kickbacks upang makakuha ng patient referrals.
Gumagamit ang Pinay nurse ng pekeng rekord ng mga pasyente, naniningil ng hindi kinakailangang treatment, at tumatanggap ng milyon-milyong dolyar na kickbacks upang magkaroon ng maluhong pamumuhay.
Sinasabing ang suspek ay mayroong luxury vehicles gaya ng isang Ferrari supercar na nagkakahalaga ng mahigit US$500,000 o nasa P28.5 milyon, mamahaling alahas, kabilang na ang isang Bulgari necklace na nagkakahalaga ng US$865,000 o nasa P49.3 milyon, isang tahanan sa Hawaii na nagkakahalaga ng US$1 million o nasa P57 milyon, at kasalukuyang may konstruksiyon ng beach resort sa Santa Ana, Cagayan sa Filipinas na tinatsyang US$4.6 milyon ang halaga o nasa P262.2 milyon, lahat ay nais nang bawiin ng federal prosecutors.
Ang Medicare ay isang US federal health insurance program para sa mga senior citizens, mga kabataang may kapansanan, at mga pasyenteng may end-stage kidney disease habang ang TRICARE ay healthcare coverage para sa mga active-duty military personnel, retirees, National Guard and Reserve members, at kanilang dependents.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com