ni Allan Sancon
MAINIT na pinag-uusapan ngayon ng mga manonood ang pinakabagong primetime offering ng ABS-CBN, ang Coco Martin’s SIGABO, ang teleseryeng hudyat ng engrandeng pagbabalik ni Coco Martin sa primetime matapos ang makasaysayang tagumpay ng FPJ’s Batang Quiapo.
Higit pa rito, ito rin ang inaabangang muling pagtatambal nina Coco at Julia Montes na matagal ding hiniling ng kanilang milyon-milyong tagahanga. Hindi maikakaila na sabik na sabik ang mga CocoJul fans na muling makita ang kanilang mga iniidolong artista sa isang seryosong proyekto na puno ng drama, comedy, aksiyon, at emosyon.
Nagkaroon kami ng pagkakataong mapanood ang unang dalawang episodes ng serye at masasabi naming isa ito sa pinakamalalakas na pambungad na teleserye ngayong taon.
Kapansin-pansin agad ang napakagandang cinematography na tila isang de-kalibreng pelikulang ipinalalabas gabi-gabi sa telebisyon.
Bawat eksena ay maingat na binuo, mula sa visual composition hanggang sa paggamit ng ilaw at lokasyon.
Napaka-cinematic ng dating nito na bihirang makita sa isang regular na teleserye, mula sa pagpapasabog ng sasakyan at mga kakaibang fight scenes, dahilan para mas lalo kang mahatak sa kuwento.
Hindi rin nagpahuli ang istorya ng Sigabo. Sa unang dalawang episodes pa lamang ay agad nitong naipakita ang matitinding emosyon, tensiyon, at mga misteryong magpapaisip sa mga manonood kung ano pa ang susunod na mangyayari.
Ang bawat karakter ay may kanya-kanyang lalim at motibasyon, kaya naman mabilis kang makabubuo ng koneksiyon sa kanilang mga pinagdaraanan. Isa itong kuwento ng pag-ibig, paghihiganti, katapangan at sakripisyo na tiyak susubaybayan gabi-gabi ng mga Filipino.
Isa sa pinakamalalaking sorpresa ng serye ay ang matitinding action sequences nito.
Kitang-kita ang laki ng produksiyon sa bawat bakbakan, habulan, at stunt scenes. Siyempre, sanay na ang mga manonood sa kahusayan ni Coco pagdating sa aksiyon, ngunit mas kahanga-hanga ang ipinakita ni Julia na buong tapang na nakipagsabayan sa kanyang real-life partner sa mga fight scene.
Hindi lamang siya basta leading lady sa serye kundi isang matapang na karakter na marunong lumaban at tumindig para sa kanyang mga prinsipyo.
Bukod kina Coco at Julia, isa ring malaking dahilan para tutukan ang Sigabo ay ang napakahusay na pagganap ni Jhong Hilario bilang kontrabidang si “Django.”
Sa mga unang eksena pa lamang ay ramdam na agad ang kanyang pagiging mabagsik at mapanganib.
Napakahusay ng kanyang pag-arte na tiyak na maiinis at magagalit ang mga manonood sa kanyang karakter.
Kapansin-pansin din ang lakas ng chemistry ng kanyang mga eksena kasama si Coco, lalo na sa kanilang mga sagupaan na puno ng tensiyon at adrenaline.
Tunay ngang isa siya sa pinakamalalakas na kontrabida sa serye.
Sa mga naunang panayam, ibinahagi ni Coco ang kanyang pananabik sa pagbibigay-buhay sa bagong karakter sa Sigabo. Ayon sa aktor, isa itong karakter na maraming pagdaraanan at susubok sa kanyang kakayahan bilang artista.
Samantala, sinabi naman ni Julia na labis siyang nasabik na makatrabaho muli si Coco sa isang proyektong puno ng aksiyon at drama. Ayon sa aktres, ibang Julia ang mapapanood ng publiko sa seryeng ito dahil mas matapang, mas determinado at mas handang sumabak sa mga eksenang hindi pa niya karaniwang nagagawa noon.
Samantala, naging emosyonal at makasaysayan din ang pagtanggap sa buong cast ng Sigabo sa ginanap na Kapamilya Day noong Hunyo 22, 2026 sa ABS-CBN compound.
Buong pusong sinalubong ng mga empleado at executives ng network sina Coco, Julia at ang kanilang mga kasama habang hawak ang mga dilaw at asul na lobo at mga placard na may larawan ng pangunahing mga bituin ng serye.
Patunay ito ng matinding suporta ng Kapamilya Network sa programang inaasahang magiging susunod na malaking primetime phenomenon.
Kasama rin sa star-studded cast sina Carmi Martin, Joey Marquez, Sue Ramirez, Marc Solis, Nico Antonio, Rez Cortez, Edu Manzano, JC De Vera, Chanda Romero, Irma Adlawan, Nikko Natividad, Jerald Napoles, Aleck Bovick at marami pang iba.
Nagsimula nang umere ang Coco Martin’s SIGABO noong Hunyo 22, 2026 sa Primetime Bida ng Kapamilya Channel, TV5 at A2Z, at base sa matinding reaksiyon ng mga manonood, tila nag-aalab na nga ang panibagong teleseryeng maghahari sa primetime.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com