AKSYON AGAD
ni Almar Danguilan
MAINIT na naman ang usapin sa Senado kasunod ng posibilidad na si dating Senate President Francis “Chiz” Escudero ang maging Presiding Officer sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
May mga tutol dito. Para sa kanila, hindi raw dapat si Escudero dahil sa mga naging pangyayari noong nakaraang taon. Ngunit kung pakikinggan ang paliwanag ni UP College of Law Associate Dean at Assistant Professor Paolo Tamase, makikitang hindi ganoon kasimple ang isyu.
Isa sa mga madalas na ibinabato kay Escudero ay ang alegasyong siya ang nagpabagal sa impeachment proceedings noong 2025. Ngunit ayon kay Tamase, hindi naman siya ang nagpasyang mag-isa na i-remand ang Articles of Impeachment sa House of Representatives.
Ang suggestion ay unang inihain ni Senator Alan Peter Cayetano at kalaunan ay sinuportahan ng mayorya ng Senado.
“So in the sense na sinuportahan siya no’ng mayorya, walang choice ‘yung Senate President to go with it,” ani Tamase.
Mahalagang tandaan ito dahil madalas nalilimutan na hindi hawak ng Senate President ang buong institusyon. Hindi siya maaaring magdikta ng desisyon kung iba ang pasya ng nakararaming senador.
Ganito rin ang sitwasyon sa naging pagtatalo tungkol sa salitang “forthwith”. Para kay Tamase, may mga eksperto sa batas na naniniwalang dapat nang magpatuloy ang proseso kahit recess, ngunit mayroon din mga legal scholar na may ibang interpretasyon. Hindi ito usaping may iisang malinaw na sagot.
Kaya naman mahirap sabihing may masamang intensiyon agad sa likod ng bawat desisyon. Sa katunayan, sinabi na rin ng Korte Suprema na hindi awtomatikong nangangahulugang “agad-agad” ang salitang “forthwith”.
Para kay Tamase, may halaga rin na abogado ang mamumuno sa paglilitis. Ang impeachment ay hindi simpleng labanan ng opinyon kundi isang legal na proseso na nangangailangan ng tamang pag-unawa sa batas at mga patakaran.
Sa dulo, hindi rin naman ang Presiding Officer ang magpapasya sa magiging kapalaran ng kaso. Ang boto ng senator-judges pa rin ang mananaig.
Marahil ito ang dahilan kung bakit may nagsasabing ang tunay na sukatan ng patas na paglilitis ay kapag walang kampong lubos na masaya. Kapag parehong may reklamo ang magkabilang panig, baka ibig sabihin lamang noon na walang espesyal na pinaboran at ang proseso ay hinayaang umusad ayon sa batas.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com