Sa pagitan ni Bato at ng alanganin

Firing Line

FIRING LINE
ni Robert B. Roque, Jr.

MULA nang selyohan ng International Criminal Court (ICC) ang warrant of arrest laban sa kanya noong Nobyembre 6, 2025, paulit-ulit nang nakalulusot si Sen. Ronald “Bato” dela Rosa sa mga humahabol sa kanya. Muli siyang nagpakita sa Senado noong Mayo 11 at nakatakas noong Mayo 13–14 sa tulong ni Sen. Robinhood Padilla, kasabay ng putukan na pinaghihinalaang isinadula. Hindi rin siya natinag sa pagtanggi ng Korte Suprema noong Mayo 20 sa kanyang kahilingang magpalabas ng temporary restraining order (TRO).

Pagkalipas ng limang buwan, noong Oktubre 23, nag-alok ang Department of the Interior and Local Government (DILG) ng ₱50 milyong pabuya para sa kanyang ikadarakip. Tinawag naman siya ni Philippine National Police (PNP) Chief Jose Melencio Nartatez, Jr., na “armado at mapanganib” at binigyan hanggang Oktubre 29 upang sumuko.

Agaw-pansin si DILG Secretary Jonvic Remulla sa pahayag na magpapakilos siya ng libo-libong pulis upang masilo ang iisang tao. Hindi nagpahuli si National Bureau of Investigation (NBI) Director Melvin Matibag, na nagbabala sa posibilidad ng armadong sagupaan kung hindi susuko si Bato.

Kasama ang Malacañang, sunod-sunod nilang pinuno ang mga balita tungkol sa pabuya, tracker teams, Special Action Force (SAF), pagsisiyasat sa mga tumutulong kay Bato at pagbabanta sa mga nagkukupkop sa kanya. Ibinunyag din nilang palipat-lipat umano siya ng taguan sa Mindanao. Alam daw nila kung sino ang tumutulong, saan siya nagpunta at saan posibleng magtungo.

Iisa ang mensahe: humihigpit na ang lambat at halos wala nang lusot ang kanilang target.

Pero nag-expire ang ultimatum noong Oktubre 30.

Nasaan ang pangunahing huli? Hindi pa rin matagpuan at tila walang pakialam. Maliwanag, alam ng mga awtoridad ang lahat maliban sa kinaroroonan niya. Sa kabila ng intelligence units, sundalo, impormante, at tambak na dokumentong legal, halos isang taon na ang paghahanap, pero wala pa rin resulta. Wala. Zero.

Samantala, malinaw ang sinasabi ng mga Filipino. Sa survey ng Pulse Asia noong Setyembre, 35% ang naghahangad ng mas murang pagkain, umaakyat sa 55% sa pinakamahirap na Class E. Nasa 71% ang gustong makontrol ang implasyon, na nasa 7.2% — pinakamataas sa loob ng tatlong taon. Gusto rin ng 26% ang trabaho at kabuhayan, 24% ang pagwawakas ng korupsiyon, at 15% ang abot-kayang edukasyon at serbisyong pangkalusugan.

Dalawang buwan matapos ang survey, lalo pang lumala ang sitwasyon. Utang ng gobyerno sa mamamayan ang mas murang bigas, karne, at isda, habang pumapalo sa rekord ang palitan ng dolyar at piso. Utang din nito sa bayan ang malinis na 2027 budget, na nabahiran na ng umano’y bilyon-bilyong pisong insertion.

Natuklasan ng Senado na lumobo ang mga proyekto ng Department of Public Works and Highways (DPWH) mula 11,420 tungong 16,244, kabilang ang 6,271 insertion na hindi dumaan sa pagsusuri. Ilang senador na ang nangakong aalisin ang mga ito bago magsimula ang plenary debates.

Kaya nagdududa ako kung paghuli nga ba kay Bato ang tunay na layunin ng malawakang operasyon. Ang halos isang-taong paghahanap na walang napapala, habang natatabunan ang mahahalagang suliranin, ay mistulang tabing-usok upang pagtakpan ang kabiguan ng gobyerno sa presyo, trabaho at pork barrel.

Iyan ang mga usaping higit na dapat pagtuunan ng pansin at panagutin ang gobyerno, sa halip na isang pugante na marahil ay mas mahirap nang matunton ngayon kaysa noong unang araw ng paghahanap sa kanya.

 *         *         *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-post sa @Side_View sa X app (dating Twitter).