
MALAKING hamon sa seguridad para sa malinis na tubig sa Metro Manila ang itinatayong New Centennial Water Source – Kaliwa Dam Project. Layunin nitong magdagdag ng suplay ng tubig sa Kamaynilaan. Ngunit habang itinatampok ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) ang mga pakinabang nito, may isang mahalagang tanong na dapat sagutin:
“Sapat ba ang mga pananggalang ng proyekto upang maprotektahan ang ilog, kabundukan, at mga komunidad na maaapektohan?”
Hindi haka-haka lamang ang ilan sa mga pangambang ito. May mga datos batay sa pag-aaral ng Japan International Cooperation Agency (JICA) na dapat pagtuunan ng pansin, lalo na ang tungkol sa putik/latak at iba pang materyales na dinadala ng ilog mula sa kabundukan patungo sa mga bahaging nasa ibaba nito.

Maraming putik/latak, mas mabigat na hamon
Sa pag-aaral ng JICA, tinatayang umaabot sa 434,400 metro kubiko bawat taon ang sediment yield sa Kaliwa River confluence, batay sa mga sample na kinuha noong 2001–2002. Sa payak na paliwanag, ito ang tinatayang dami ng sediment o latak na dinadala ng tubig mula sa watershed sa loob ng isang taon.
Kapansin-pansin ang numerong ito kapag inihambing sa Kanan River. Halos magkapantay ang kanilang tinatayang taunang sediment yield: 434,400 metro kubiko sa Kaliwa at 434,700 metro kubiko sa Kanan. Ngunit mas mababa ang karaniwang daloy ng Kaliwa River — 37.4 metro kubiko bawat segundo, kompara sa 74.5 metro kubiko bawat segundo sa Kanan.
Sa madaling salita, halos magkapantay ang dami ng sediment/latak na tinatayang dinadala ng dalawang ilog kahit mas maliit ang karaniwang daloy ng tubig sa Kaliwa.
May mahalagang obserbasyon din ang JICA. Sa pagsusuri mula sa himpapawid noong Hulyo 2000, napansing mas maraming sediment o latak ang dala ng Kaliwa River, samantala mas malinaw ang tubig ng Kanan River. Iniugnay ng ulat ang malaking dami ng sediment o latak sa Kaliwa sa pagkakalbo ng kagubatan o deforestation.
Hindi ito dapat balewalain. Kapag nabawasan ang mga punong sumasaklaw sa lupa, maaaring tumaas ang pagguho ng lupa at ang dami ng materyales na tinatangay ng ulan patungo sa mga sapa at ilog.
Gayunman, mahalagang linawin na ang mga numerong ito ay mula sa pag-aaral noong unang bahagi ng dekada 2000. Hindi awtomatikong kumakatawan sa kasalukuyang kondisyon ng buong watershed. Kailangan ang mas bagong datos upang matukoy kung paano nagbago ang sediment yield sa paglipas ng panahon.

Kapag naipon ang putik, ano ang epekto sa dam?
Hindi lamang ang dami ng tubig na maiipon ang dapat pagtuunan ng pansin sa pagtatayo ng dam. Mahalaga rin kung gaano karaming sediment ang papasok sa reservoir, gaano karami ang maiiwan dito at kung paano ito mailalabas.
Kapag naipon ang putik at iba pang sediment sa reservoir, maaari nitong bawasan ang espasyong magagamit sa pag-iimbak ng tubig. Sa paglipas ng panahon, maaari itong makaapekto sa kakayahan ng pasilidad na magampanan ang layunin nito.
Sa mga dokumentong kaugnay ng proyekto, kabilang sa mga pananggalang na dapat suriin ang muling pagtatanim ng mga puno, pamamahala sa watershed, at mga estrukturang idinisenyo upang mailabas ang sediment/latak.
Ngunit may mga tanong na dapat sagutin ng MWSS at ng mga kinauukulang ahensiya: Ano ang batayan ng kanilang pagtataya sa rami ng sediment na maiipon? Gaano kabisa ang planong pagpapalabas ng sediment sa aktuwal na kondisyon ng ilog? At paano titiyaking mananatiling epektibo ang mga hakbang na ito sa panahon ng malalakas na ulan at bagyo?
Hindi sapat na may nakasaad na mga pananggalang sa dokumento. Dapat din maipakita ang batayan ng mga pagtataya, ang kakayahan ng mga estruktura at ang mga hakbang na gagawin kung lumampas sa inaasahan ang dami ng sediment/latak.

Pagkasira ng kabundukan at panganib sa mga komunidad
Hindi hiwalay sa usapin ng sediment/latak ang kalagayan ng kabundukan. Ang pagkakalbo ng kagubatan, paghuhukay, pagku-quarry at pagbabago sa dalisdis ay maaaring makaapekto sa katatagan ng lupa at sa pagdaloy ng tubig mula sa ulan.
Sa matatarik na lugar, ang matinding pag-ulan ay maaaring magdulot ng pagguho ng lupa. Kapag napunta sa mga sapa at ilog ang gumuhong materyales, maaari itong magdagdag sa sediment na dinadala ng tubig.
Dahil dito, kailangan malinaw kung paano tinatasa at pinamamahalaan ng proyekto ang mga panganib na may kaugnayan sa dalisdis, sedimentation, at malalakas na pag-ulan. Mahalaga rin matukoy kung aling mga lugar ang higit na nanganganib at kung sapat ang mga sistema ng pagsubaybay at maagang babala para sa mga komunidad.
Hindi nangangahulugang tiyak na lalala ang pagbaha dahil lamang may dam o may konstruksiyon sa kabundukan. Ngunit hindi rin dapat ipagpalagay na awtomatikong malulutas ng isang estrukturang pang-inhinyeriya ang lahat ng panganib na kaugnay ng tubig, pagguho ng lupa, at pagbabago sa kalagayan ng watershed.
Ang kailangang iharap ay isang malinaw at nasusuring paliwanag kung paano pinag-uugnay ang mga panganib na ito sa pagpaplano, pagtatayo, at pagpapatakbo ng proyekto.

Hindi lang tubig ang usapin
May isa pang mahalagang dimensiyon ang Kaliwa Dam: ang epekto nito sa mga katutubong Dumagat-Remontado at sa kanilang lupang ninuno, kabuhayan, at kultura.
Sa pagtalakay sa mga plano para sa relokasyon, kabuhayan at kompensasyon, hindi sapat na bilangin lamang ang mga pabahay o tulong-pinansiyal na maibibigay. Kailangan isaalang-alang ang pananaw ng mga direktang maaapektohan, ang kanilang karapatan sa lupang ninuno at ang pangmatagalang epekto ng pagbabago sa kanilang kapaligiran.
Ang mga pangakong tulong ay dapat may malinaw na batayan, sapat na pondo, tiyak na pananagutan, at mekanismong nagbibigay-daan sa mga komunidad na makilahok sa mga desisyong may epekto sa kanilang buhay.
Hindi rin dapat ipagpalagay na ang mga naunang pagsusuri ng JICA sa iba’t ibang alternatibong proyekto ay awtomatikong tumutukoy sa lahat ng kondisyon ng kasalukuyang Kaliwa Dam. Kailangan suriin ang bawat pahayag batay sa mismong proyektong tinatalakay.

Pananagutan, hindi lamang mga pangako
Hindi natin kailangan maglabas agad ng hatol na tiyak na mapapahamak ang Agos River Basin upang kilalanin ang bigat ng mga tanong na ibinabangon ng mga pag-aaral.
Ang malinaw na babala tungkol sa sedimentation at ang obserbasyon ng JICA sa pagkakalbo ng kagubatan ay sapat na dahilan upang igiit ang masusing pagsusuri, napapanahong datos, at malinaw na pananagutan.
Dapat sagutin ng MWSS at ng mga kinauukulang ahensiya kung paano nila titiyaking sapat ang mga pananggalang ng proyekto. Dapat din malaman ng publiko kung paano susubaybayan ang pag-ipon ng sediment, ang kalagayan ng mga dalisdis, ang kalidad ng tubig, at ang mga panganib na maaaring makaapekto sa mga komunidad.
Para sa mga taga-Metro Manila, mahalagang seguridad sa tubig ang pagkakaroon ng maaasahang suplay. Ngunit ang seguridad na ito ay hindi dapat ihiwalay sa kaligtasan ng mga komunidad at sa pangangalaga ng watershed na pinagmumulan ng tubig.
Ang tunay na kaunlaran ay hindi lamang nasusukat sa rami ng tubig na umaabot sa mga gripo. Nasusukat din ito sa kakayahan ng pamahalaan na protektahan ang kalikasan, paggalang sa karapatan ng mga katutubo, at pagtitiyak na hindi isinasalin sa mga pamayanang nasa kanayunan ang mga panganib na dapat nitong harapin.
Padayon! Protektahan ang Sierra Madre.

Sanggunian:
1. Part G Environmental Study – Japan International Cooperation Agency (JICA)
https://openjicareport.jica.go.jp/pdf/11721941_16.pdf
2. Chapter IV initial environmental assessment – JICA
https://openjicareport.jica.go.jp/pdf/11721933_06.pdf
3.. Kaliwa Dam Project: EIS Summary
4. EIS Summary for the Public
https://eia.emb.gov.ph/wp-content/uploads/2019/09/ESP-in-English.pdf
5. The Kaliwa Dam – The Rights Development https://rightsindevelopment.org/wp-content/uploads/2022/06/Philippines.pdf
