Kabataan sa Bataan, nagluksa sa ‘pagpanaw’ ng mga puno, pinsala sa ekolohiya ikinabahala

YoungBEAN NFBM Youth Roman Highway Limay Bataan

ni Teddy Brul

LIMAY, BATAAN — Nagsagawa ng isang seremonya ng pagtitirik ng kandila sa Limay, Bataan ang mga kabataang tagapagtanggol ng kalikasan mula sa YoungBEAN at Nuclear Free Bataan Movement (NFBM) Youth upang ipagluksa ang pagkawala ng mga punong pinutol sa Roman Highway at iba pang pambansa at panlalawigang daan sa probinsiya.

Ang aktibidad, ginanap kasabay ng paggunita sa Araw ng mga Santo (All Saints’ Day) bago ang Araw ng mga Kaluluwa (All Souls’ Day), ay sumisimbolo sa pagdadalamhati ng mga grupo sa pagkasira ng mga puno na nagbibigay-lilim, nagpapalinis ng hangin, tumutulong sa pagkontrol ng baha, sumusuporta sa biodiversity, at nag-aambag sa pangkalahatang kalusugan ng kapaligiran sa mga komunidad.

Ipinahayag ng mga grupo ang kanilang pagkabahala sa pinagsama-samang epekto sa ekolohiya (cumulative ecological impacts) ng mga proyektong road-widening at iba pang impraestruktura, lalo na sa gitna ng lumalalang krisis sa klima at banta ng matitinding panahon dulot ng El Niño.

“Habang inaalaala natin ang mga yumao nating mahal sa buhay, kamag-anak, at kaibigan, ipinagdarambog din natin ang mga puno na pinutol at sinira sa kahabaan ng ating mga kalsada sa Bataan,” ani Eric Beren, secretary general ng YoungBEAN.

“Sa gitna ng lumalalang krisis sa klima at banta ng mga sakunang may kaugnayan sa El Niño, ramdam na ramdam namin ang kahalagahan ng mga puno sa aming buhay, kabuhayan, at mga komunidad.”

Ayon sa mga ulat noong 2018, nakadokumento ang mga plano na putulin o ilipat ang mahigit 5,000 puno sa Roman Highway bilang bahagi ng programa sa pagpapalawak ng kalsada. Isang hiwalay na ulat noong Pebrero 2020 ang bumanggit sa isang permit mula sa DENR na nagpapahintulot sa pagputol ng 487 puno sa isang bahagi ng highway.

Iniulat din ng YoungBEAN na kasalukuyang may mga aktibidad ng pagputol ng puno sa Barangay Townsite, Limay. Gayunpaman, sinabi ng grupo na wala silang kopya ng mga kaugnay na permit mula sa DENR o opisyal na rekord na nagpapakita ng aktuwal na bilang ng mga punong pinutol, inilipat sa pamamagitan ng earth-balling, o matagumpay na naitanim muli.

Sinabi rin ng grupo na wala silang alam na naganap na konsultasyon sa mga apektadong residente o mga samahang pangkalikasan bago isagawa ang mga pagputol. Ang mga alalahaning ito ay nangangailangan ng linaw mula sa DPWH at DENR hinggil sa partikular na proyekto, ang mga environmental safeguard nito, at ang pagsunod sa mga kaukulang rekisito sa permit.

“Bilang mga kabataan, naniniwala kami na ang antas at mga kahihinatnan ng pagkasira ng kapaligiran ay nararapat sa seryosong pagsusuri at maaaring magdulot ng pangamba hinggil sa ecocide,” sabi ni Beren.

Binigyang-diin ng mga grupo na ang paulit-ulit na pagbaha at iba pang problemang pangkapaligiran na nararanasan ng mga komunidad sa lalawigan ay nagpapahiwatig na nararapat lamang suriin ng mga ahensiya ng pamahalaan ang kabuuang epekto ng pagpapaunlad ng impraestruktura, imbes ituring ang bawat proyekto nang magkakahiwalay.

Bagama’t kinikilala ang pangangailangan para sa ligtas at madaraanang mga kalsada, hinimok ng mga grupo ng kabataan ang Department of Public Works and Highways (DPWH), Department of Environment and Natural Resources (DENR), at mga kinauukulang lokal na pamahalaan na tiyakin ang tunay na partisipasyon ng publiko, transparent na environmental assessment, at pagkonsidera sa mga alternatibong paraan upang mabawasan ang pagputol ng puno.

Nanawagan din sila para sa tamang paglilipat (transplantation) ng mga puno kung kaya pa, sapat na compensatory replanting (pagpapalit ng mga itinanim), at transparent na pagsubaybay pagkatapos magtanim upang matiyak na mabubuhay ang mga kapalit na puno at makatutulong nang makabuluhan sa pagpapanumbalik ng ecosystem.

“Ang tunay na pag-unlad ay dapat nagpapanatili ng buhay, hindi pumapatay nito. Ang pagpapalit ng matatandang puno ng mga bagong tanim na seedling ay hindi agad makapagbabalik sa mga tungkuling pang-ekolohiya na ibinigay ng mga naitatag nang puno sa loob ng ilang dekada,” dagdag ni Beren.

Ayon sa FOI portal ng DPWH na may petsang 6 Mayo 2026, isinaad ng DPWH na sa kasalukuyan ay wala itong mga plano para sa ekspansIyon ng Roman Highway dahil nagamit na ang 30-metrong right-of-way. Gayunpaman, kinilala ng ahensIya na may ilang bahagi sa Limay ang hindi pa napapalawak dahil sa mga restriksyon sa right-of-way.

Sinabi ng YoungBEAN at NFBM Youth na ipagpapatuloy nila ang pagbibigay-edukasyon sa mga kapwa kabataan tungkol sa kahalagahan ng mga puno, biodiversity, at proteksIyon ng kapaligiran sa pagbuo ng isang mas ligtas, mas napapanatili, at climate-resilient na kinabukasan para sa Bataan.