ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio
NAKATAKDANG mas makilala pa nang husto sa international scene ang singer-composer at humanitarian na si Emma Cordero sa dalawang major recognitions na kanyang tatatanggapin sa United States ngayong Nobyembre. Magsisislbing patunay ang mga parangal na ito sa kanyang musical achievements, cultural advocacy, at malasakit sa mga batang nangangailangan.
Sa November 7, 2026, pararangalan si Emma sa 10th Edition of the Amerika Prestige Awards sa North Hollywood, California, na nakatakda niyang tanggapin ang dalawang prestihiyosong titulo: Woman of the Universe at Global Princess of Songs 2026. Magpe-perform din siya sa event at lalahok sa isang queens and models fashion show.
Susundan ito ng isa pang malaking pagkilala sa November 21, sa pagdiriwang ng ika-25 anibersaryo ng Gawad America Awards sa Loews Hollywood Hotel sa Los Angeles. Tatanggapin ni Emma ang 2026 Global Cultural Ambassador of Music Excellence Award, isang recognition na nagbibigay-diin at halaga sa papel ng musika sa pagpapalaganap ng Filipino talent at pagpapatibay ng ugnayan ng iba’t ibang kultura.
Kinikilala rin ang kanyang pagsisikap na gamitin ang musika bilang instrumento ng inspirasyon, pagkakaisa, at pagtulong sa kapwa.
Musikang may misyon
Para kay Emma, higit pa sa entertainment ang musika. Isa itong paraan upang makapagbigay siya ng pag-asa at makagawa ng pagbabago.
Isa sa kanyang mga makabuluhang obra ang original composition na “I Wanna Give Love”, na inialay niya sa mga underprivileged children sa iba’t ibang panig ng mundo. Nais niyang maipalaganap ang mensahe ng pagmamahal, generosity, at malasakit sa mga batang nangangailangan, sa pamamagitan ng kanyang mga pagtatanghal.
Bilang founding chairman ng World Class Excellence Japan Awards (WCEJA) at Voice of an Angel (VOAA), patuloy na isinusulong ni Emma ang artistic excellence habang sinusuportahan ang mga humanitarian initiatives, lalo na ang mga programang nakatuon sa kapakanan ng disadvantaged and under privileged children.
“I am deeply grateful to Almighty God for continuing to fulfill my dreams. I consider these recognitions a blessing, but I believe blessings are meant to be shared. Through music, WCEJA and VOAA, I hope to continue helping underprivileged children and inspiring others through love and service,” pahayag ni Emma.
Para sa singer-composer, mas nagiging makabuluhan ang tagumpay kapag naibabahagi ito sa iba. Sa paniniwala ni Emma, hindi lamang nasusukat sa rami ng awards ang tunay na achievement kundi sa mga buhay na natutulungan at mga pusong naaantig.
November itinerary-awards,
Musika, at pagdiriwang
Nakatakdang dumating si Emma sa Amerika sa November 6. Mula November 9 hanggang 11, magkakaroon siya ng welcome gathering kasama ang mga kamag-anak sa San Francisco bago magtungo sa Los Angeles at San Diego.
Sa November 15, magtatanghal ng mga paboritong awiting Filipino, sikat na awiting English at original compositions niya sa isang birthday celebration. Bibisita rin si Emma sa Las Vegas mula November 16 hanggang 18 bago bumalik sa Los Angeles para sa Gawad America Awards.
Sa November 22, makikiisa rin siya sa Himig ng Pasko at Musika sa The Noypitz Bar and Grill sa Long Beach, California. Tampok sa pagtitipon ang Hagibis USA performers at iba pang guest singers para sa isang gabing puno ng musikang Pinoy, pagkakaibigan, at entertainment.
Tagumpay na may puso
Sa likod ng international recognition na igagawad kay Emma ay may isang layuning higit pa sa personal na tagumpay — ang patuloy na pagbabahagi ng kanyang talento at blessings sa kapwa.
Mula sa malalaking international award ceremonies hanggang sa mga gawaing pangkawanggawa, pinatutunayan ni Emma na maaaring maging instrumento ng pagbabago ang musika kapag sinamahan ng pananampalataya at malasakit.
Para kay Ms. Emma, ang tunay na ningning ng tagumpay ay hindi lamang nasusukat sa liwanag ng spotlight, kundi sa kabutihang naibabahagi niya sa mga taong nangangailangan.
