MULING nakabalik sa tamang landas ang Serbia matapos pataubin ang Dominican Republic, 25-19, 25-23, 25-18, sa Women’s Volleyball Nations League nitong Biyernes sa PhilSports Arena.
Pinangunahan ng 21-anyos na si Anja Zubic ang opensa ng Serbia sa pamamagitan ng 15 puntos mula sa 12 attacks, dalawang blocks at isang ace upang ihatid ang kanilang mahalagang panalo sa torneo na suportado ng Philippine Sports Commission.
Naging mas magaan ang laban para sa mga Serb matapos magmula sa dalawang sunod na matitinding limang set na laban na kapwa nauwi sa kabiguan laban sa world No. 5 Japan at world No. 1 Italy.
Nagbigay rin ng malaking ambag si Nina Cajic na nagtala ng 12 puntos mula sa 10 attacks at dalawang blocks para tulungan ang world No. 10 Serbia na maitala ang ikalawa nitong panalo sa pitong laro.
Sa panalong ito, bahagyang umangat ang Serbia sa team standings ng 18-nation tournament kung saan ang nangungunang walong koponan matapos ang tatlong linggong preliminary phase ay uusad sa Finals sa Macau.
Samantala, nananatiling perpekto ang world No. 2 Brazil sa kartadang 6-0 sa leg na ginaganap sa Ankara, Turkiye, habang hawak naman ng Japan ang malinis na 5-0 marka.
Patuloy namang naghahanap ng unang panalo ang world No. 12 Dominican Republic matapos malaglag sa 0-7 rekord sa prestihiyosong taunang torneo ng FIVB.
Nanguna para sa Dominican Republic si Geraldine Sthefany Gonzalez na may 11 puntos, kabilang ang lima sa kabuuang walong blocks ng koponan. Nagdagdag naman si Jineiry Martinez ng 10 puntos mula sa walong attacks at dalawang blocks, ngunit hindi ito naging sapat upang maiwasan ang panibagong kabiguan. (AVC/HNT)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com