MAHIGIT sa 50 drivers ang posibleng humarap sa mga kasong kriminal dahil sa pagtatakip ng kanilang mga plaka upang huwag mahagip ng mga CCTV camera ng Non-Contact Apprehension Policy (NCAP).
“Sa loob ng isang linggo mula nang ipatupad ang NCAP, 90% ng mga nahuli ay may takip ang kanilang plaka, at kadalasang mga motorsiklo,” ayon kay Gabriel Go ng Special Operations Group – Strike Force (SOG-SF) Metropolitan Manila Development Authority (MMDA),
sa isang press briefing na ginanap sa opisina ng Land Transportation Office (LTO) sa Quezon City.
“Inatasan ni Chairman Don Artes ang aming mga tauhan sa field na pisikal na hulihin at magbigay ng citation tickets sa mga sasakyang may nakatagong plaka agad-agad. Ang MMDA ay patuloy na nagmamanman sa mga sitwasyon ng trapiko gamit ang mga CCTV camera sa aming MMDA Communication and Command Center,” dagdag ni Go.
Tiniyak ni LTO Executive Director Greg Pua Jr., agad nilang ipadadala ang show cause orders sa mga lumalabag sa batas trapiko.
Binalaan din niya ang mga motorista laban sa pandaraya sa pagtatago ng kanilang mga plaka upang maiwasan ang huli sa NCAP o ang paglabag sa Republic Act No.11235 o ang Motorcycle Crime Prevention Act, alinsunod sa mga probisyon ng Article II, Section 12, na nagsasaad na ang sinadyang pagtatago ng nababasang plaka ay parurusahan ng pagkakakulong mula anim na buwan at isang araw hanggang dalawang taon, o multa na hindi hihigit sa P10,000.
“Walang makaliligtas sa batas, agad na magpapadala ang LTO ng show cause orders laban sa mga motorista na nagbago ng kanilang mga plaka at paparusahan sila,” paliwanag ni Pua.
“Ang pagtatakip ng plaka ay isang paglabag sa batas trapiko. Gagamitin namin ang lahat ng aming mga mapagkukuhaan upang matukoy ang mga lumalabag. Ito rin ay upang matiyak ang kaligtasan ng publiko sa kalsada,” dagdag ni Pua.
Nakikipag-ugnayan ang LTO sa Anti-Cybercrime Group at iba pang ahensiya ng batas upang subaybayan ang mga nagtataguyod ng ilegal na taktika sa social media at nagbebenta ng mga bagay na naglalayong itago ang mga detalye sa mga plaka ng sasakyan.
Ang LTO at MMDA ay nananawagan sa publiko na i-report ang mga ganitong paglabag upang sila ay makagawa ng aksiyon. (EJ DREW)