PADAYON
ni Teddy Brul
BAGO pa man naging pambansang bayani si Dr. Jose Rizal, madalas na niyang dalawin, kasama ang kanyang pamilya, ang bayan ng Pakil, Laguna. Isa sa mga lugar na kanilang pinupuntahan ay ang dambana ng Nuestra Señora de los Dolores de Turumba, isang debosyong Marian na malalim ang ugat sa kasaysayan ng bayan. Sa Pakil din naranasan ni Rizal ang muling pagsinta na humubog sa kanyang kabataan.
Nagsimula ang debosyon sa Birhen ng Turumba noong 1788 nang matagpuan ng mga mangingisda sa Laguna de Bay ang isang larawan ng Birheng Maria na nasabit sa kanilang lambat. Mula rito ay umusbong ang tradisyong panrelihiyon na kalaunan ay naging Pistang Lupi, na kinikilalang pinakamahabang kapistahang Marian sa Filipinas.
Matatagpuan ang banal na larawan sa Saint Peter Alcantara Parish Ped sa Pakil. Sa likuran ng simbahan ay matatanaw ang Bundok Ping-as, bahagi ng Sierra Madre range na nagbibigay ng magandang tanawin sa isa sa pinakamahalagang pook-dambana sa Laguna.
Lalong nakilala ang Birhen ng Turumba nang banggitin ni Rizal ang debosyong ito at ang Pistang Lupi sa kanyang nobelang Noli Me Tangere. Ayon sa mga tala ng kasaysayan, noong 1881 ay tumawid si Rizal sa Laguna de Bay kasama ang kanyang mga kapatid na sina Saturnina, Maria, at Trinidad upang dumalaw sa dambana.
Bilang pagkilala sa debosyon ng pamilya Rizal sa Birhen ng Turumba, nagtayo ang mga opisyal ng Pakil ng bantayog ni Rizal sa sentro ng bayan noong 1921.
Kapansin-pansin na may dalawang babaeng estatuwa at batang lalaki na pigura sa monumento, ngunit walang paliwanag na nakalagay sa historical marker kung sino sila (kaanyuan) at ano ang kanilang kahalagahan.
Ikatlong Pag-ibig ni Rizal
Sa paghahanap ng kasagutan tungkol sa mga pigura sa monumento, nakipag-usap ako sa ilang matatandang residente ng Pakil at sa iba pang miyembro ng angkang Ybardolaza kasama ko ang kaibigang si Nonilon Mangahis sa paggalugad. Marami sa kanila ang naniniwalang isa sa mga babaeng pigura ay si Jacinta Ybardolaza, na tinutukoy ni Rizal sa kanyang mga sulatin bilang “Miss L.”
Dinanas ni Rizal ang kanyang unang pagkabigo sa pag-ibig sa minahal niyang si Segunda Katigbak nang magpasya ang dalaga na umuwi sa kanyang bayan sa Lipa, Batangas upang tuparin ang tradisyonal na kasunduan sa pagpapakasal niya kay Manuel Luz y Metra.
Nagkakilala sina Rizal at Jacinta nang bumisita ang binata sa bahay ng kanyang kaibigan na si Nicolas Regalado sa huling bahagi ng 1877.
Nasipi sa tala ng mga historyador, ang iba’t ibang ngalan ni Jacinta Ybardolaza gaya ng Jacinta Ibardo Laza, Vicenta o simpleng Miss L.
Nanirahan si Jacinta, isang guro, sa bahay ni Regalado hanggang madalas na bumisita si Rizal sa bahay ng kaibigan upang magturo siya kay Jacinta ng araling retorika at panulaan.
Sa talaarawan ni Rizal, isinalarawan niya ang katangian ni Miss L bilang matalino, maganda at mahusay sa talakayan. Hinangaan niya hindi lamang ang kagandahan ni Jacinta kundi pati ang kakayahang makipagpalitan ng kaisipan sa kanya.
Ngunit hindi nagtagal ang kanilang pag-iibigan. Ayon sa mga ulat, hindi ito sinang-ayunan ng ama ni Rizal na si Francisco Mercado dahil sa katuwiran na higit ang agwat ng edad ni Jacinta sa binatilyo at isa rin sa idinahilan ang pagiging guro. Sa aspektong nabanggit ay hindi pinalawig ni Rizal ang panliligaw.
Mahalaga rin ang Pakil sa mga panahon ng paglilibang ni Rizal. Madalas siyang magtungo sa Panghulo o Turumba Spring sa Barangay Baño, isang bukal na kilala ng mga tagaroon bilang pinagkukuhaan ng malinis na tubig at pinaniniwalaang may kakayahang makapagpagaling ng mga karamdaman.
Kinalaunan, naging mas lumalim ang ugnayan at relasyon nina Nicolas Regalado at Jacinta Ybardolaza hanggang sila ay nagpakasal at bumuo ng pamilya sa Pakil.
Sulyap sa Bantayog
Noong unang bahagi ng 2024, binisita ko ang Pakil Tourism Office at ipinaabot ang aking obserbasyon tungkol sa kakulangan ng impormasyon ukol sa dalawang babaeng pigura sa monumento ni Rizal.
Bagama’t kinilala ng mga opisyal ang puntong usapin, wala silang nailahad na hakbangin upang mabigyang-linaw ang pagpapakilala sa pigura kaya masasabing mananatiling palaisipan ito sa libo-libong turista at deboto.
Nang muli kong bisitahin ang Pakil sa panahon ng Pistang Lupi noong Setyembre 2025, napansin kong ang modernong estruktura at bagong pagkapintura sa monumento. Gayonman, nanatiling walang pagbabago sa inskripsiyon ng historical marker at wala pa rin paliwanag tungkol sa tatlong stone figure na may kaugnayan sa kasaysayan.
Para sa mga residente, tagapagtaguyod ng pamana, at nagnanais tagniin ang kasaysayan, ang masusing pagsipi sa mga datos at naratibo ay nakapag-aambag sa pagpapahalaga sa bayan ng Pakil. Ang monumento ay hindi lamang paggunita kay Rizal kundi maaari rin maging tulay upang makilala ang mga taong naging bahagi ng kanyang kabataan at paghubog bilang tao.
Makabubuting maglagay ng karagdagang pananda o paliwanag upang higit na maunawaan ng mga bumibisita ang ugnayan ni Rizal sa Pakil. Sa ganitong paraan ay mabibigyan ng kaluwagang loob at respeto hindi lamang sa mga pamilyang Ybardolaza at Regalado, bagkus para sa bawat Pakileño na naghahangad sa paglinang ng kasaysayan ng bayan.
Sa paggunita ng Pakil, ang ika-164 na kaarawan ni Rizal sa darating na 19 Hunyo, mahalagang maisama sana sa pagdiriwang ang mga naratibo sa ugnayan ni Rizal sa mga taong nakabahagi niya sa Pakil sa panahon ng kanyang kabataan.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com