ANG mga artist, pinakakawalan din ang kanilang creative juices. Sa kanta. Sa prosa. Sa tula!
Isa na rito ang mang-aawit mula sa Davao na si Joey Ayala na supling ng isa ring mahusay na manunulat.
Ibinahagi ni Joey ang isang panibagong piyesang hinabi sa panahon ng Covid-19.
“Ang ibon, bow.
“Minsan ay napatingala
At sa nakita’y namangha
Nagliliparang nilalang
Malaya at walang hadlang
“Kahit saan tumutungo
Pag may harang, nilulukso
Pag may panganib, aalpas
Matulin, tungong paitaas
“Sarap siguro’ng maging ganoon
Lipad at awit buong maghapon
Tila anghel, o bathalang
Kapangyariha’y walang hangganan
“Subali’t nang muling tingnan
Ay napansin ang kasangkapan
Ang tulis ng tuka’t mata
Ang kapit ng kukong-tinik
“Ang dagundong ng pakpak, dibdib
Walang tigil na pagsasagwan
Sa hangin na sinasakyan
Pagka’t kundi gawin ito
Gutom ang kikitil nito
O di kaya’y siya’y masasakop
Sa gutom ng ibang hayop
“Hindi pala mapayapa
At lalong di rin malaya
Itong ibong lumilipad
Sa langit.
JoeyAyala, 04-26-2020”
Ito pa:
“Minsan ako ay napasyal
Sa Sagada Hospital
Pagka’t nagka pulmoniya ang
Magtatambol kong kasamahan
At nang makarating doon
Sa isip ko “ito na yun!
Saka-sakaling ako ay
Tamaan ng nakamamatay
Na virus o bacterium
Gusto ko rito magkaroon ng room.
Malinis, tahimik, walang pasyente,
Walang may sakit at walang insidente
Sa emergency ward at wala pa ngang guard,
At cool na cool ang mga residente!
“At kung palaring ako’y bawian
Ng hiningang inutang lamang
Ang aking dasal hininga’y babayaran
Dito sa Sagada Hospital.
JoeyAyala 04-26-2020
Ano ba ang saad ng tulang hindi malayong maging isang awit. Tungkol sa kalayaan. At sa sitwasyon sa kasalukuyan.
Naisaip niyo rin ba?
HARD TALK!
ni Pilar Mateo