Aguirre sa DOJ tinuligsa (Inakusahang nangamkam ng lupa at pananakot)
Hataw News Team
June 6, 2016
News
MAHIGPIT na tinuligsa at tinutulan ng mahihirap na magsasakang mismong mga kababayan ni incoming Justice Secretary Vitaliano Aguirre II sa Mulanay, Quezon ang ginawang pagnombra sa kanya ng bagong halal na Pangulong Rodrigo Duterte para mamuno sa Kagawaran ng Katarungan.
Sa isang liham para kay Duterte na nilagdaan ni Carlos Icaro, pangulo ng Hacienda Tulungan Farmers and Settlers Association (HTFSA) na nakabase sa Brgy. Sta. Rosa, Mulanay, Quezon, direktang ipinabatid ng mga magsasaka ang puwersahan umanong pangangamkam ng lupaing kanilang sinasaka gamit ang kanyang kaalaman sa batas at pananakot kasama ang mga armadong tauhan.
Sa nasabing liham ay nagpahayag ng pagasa ang mga magsasaka na mabibigyang-pansin ni Duterte ang kanilang hinaing at mauunawaan ang hirap na pinagdaraanan nila sa kamay ni Aguirre at mga kasama.
“Minarapat po namin lumiham sa inyo para direkta namin maidulog ang aming mga suliranin na nakapaloob hinggil sa pagmamay-ari ng mga lupaing aming sinasaka na kinatitirikan na rin ng aming mga tahanan,” anila sa liham.
“Nais po namin ipabatid na legal at rehistrado po ang aming samahan na binubuo ng mga may hawak ng Certificate of Land Ownership and Award (CLOA) kaugnay ng lupaing orihinal na pagmamay-ari po ng FQB+7 Inc., na may kabuuan pong sukat na 212 hektarya,” salaysay sa liham.
“Malungkot man pong sabihin ay iba’t ibang uri ng pang-aapi, pananakot at panggigipit ang aming dinaranas mula sa kamay ng mga umaangking bagong may-ari ng nabanggit na propriedad na pinagungunahan po ni Atty. Vitaliano Aguirre at ng kanyang mga kamag-anak,” dagdag sa bahagi ng liham.
Kaugnay nito, ipinahayag nila ang pagtutol sa pag-upo ni Aguirre bilang Justice Secretary sa tatlong kadahilanan.
“Una, sa maraming pagkakataon ay niyurakan po niya at ng kanyang bayarang mga armadong tauhan ang aming karapatan na makapamuhay nang maayos at tahimik sa mga lupaing aming sinasaka,” anila.
“Pangalawa, sa maraming pagkakataon ay nakaranas po kami ng pang-aabusong pisikal at verbal mula sa kanya at sa kanyang mga tauhan kapag hindi namin sinusunod ang mga patakaran nila nang puwersahang paniningil ng P300 buwan-buwan nang walang sapat at legal na dahilan,” paliwanag ng mga magsasaka.
“Pangatlo, ang nagpapatuloy na panggigipit at pananakot sa amin at pagbabantang puwersahan kaming palalayasin sa aming mga lupang kinatitirikan at sinasaka kapag patuloy kaming nakipagmatigasan sa mga alintuntunin na kanilang ipinatutupad” diin ng mga magsasaka.
Sa huli ay nagpahayag sila ng takot sa maaaring gawin sa kanila ni Aguirre sakali na tuluyang makaupo bilang Justice Secretary.
“Lubha po kaming natatakot sa kanya, sa ngayon pa lang na hindi pa siya Kalihim ng DoJ dahil hindi siya nangingiming gumamit ng dahas para lang masunod ang gusto niya. Ano pa po kaya ang hindi niya kayang gawin kung DOJ Secretary na siya?” pahayag nila.
“Kaya naman po nakikiusap kami na sana ay matulungan ninyo kami na maipatupad ang isang tunay na repormang agraryo kaugnay ng mga lupain dito sa Mulanay, Quezon laban sa pagsasamantala at pangangamkam ni Atty. Aguirre at mga kamag-anak niya” pakiusap ng mga magsasaka.
Bukod sa liham ay isinama rin nilang ipinadala kay Digong ang mga dokumentong may kaugnayan sa lupain at mga legal na aksiyon na kanilang ginagawa kaugnay nito.
“Maraming salamat po at lubos kaming umaasa sa inyong agaran, patas at makatarungang pag-aksiyon sa aming abang kalagayan,” pagtatapos nila.